Home HOME BANNER STORY China, nagbabala sa defense agreement ng Pilipinas at Australia

China, nagbabala sa defense agreement ng Pilipinas at Australia

4
0

MANILA, Philippines — Nagbabala ang China na posibleng magpalala ng tensyon sa South China Sea ang bagong kasunduang pangdepensa ng Pilipinas at Australia na naglalayong palawakin ang kooperasyong militar at seguridad ng dalawang bansa.

Sa isang press conference nitong Huwebes, Nobyembre 26, inakusahan ni Chinese Defense Ministry spokesperson Chen Xi ang ilang politiko sa Pilipinas na nagpapakalat umano ng maling impormasyon tungkol sa China at humihingi ng suporta mula sa mga bansang nasa labas ng rehiyon.

Ayon kay Chen, ang ganitong mga hakbang ay lalo lamang magpapataas ng tensyon at makaaapekto sa katatagan ng rehiyon.

Nagbabala rin ang opisyal na magsasagawa ang China ng mga kinakailangang hakbang upang protektahan ang mga karapatan at interes nito sakaling magkaroon umano ng mga paglabag o probokasyon.

Ang pahayag ay kasunod ng paglagda ng Pilipinas at Australia sa Defense Cooperation Arrangement noong Nobyembre 15, sa pagbisita ni Australian Prime Minister Anthony Albanese sa Maynila.

Kabilang sa kasunduan ang pagpapalawak ng magkasanib na maritime activities, pagpapalitan ng impormasyon, pagsasanay ng mga sundalo at pagpapaunlad ng defense infrastructure.

Nilagdaan ang kasunduan nina Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. at Australian Ambassador Marc Innes-Brown sa harap ni Albanese.

Layunin ng dalawang bansa na mapalakas ang kanilang kakayahan sa maritime security at mapadali ang koordinasyon sa mga aktibidad pangdepensa.

Patuloy namang inaangkin ng China ang malaking bahagi ng South China Sea, kabilang ang mga karagatang sakop ng exclusive economic zone ng Pilipinas.

Noong 2016, pinawalang-bisa ng arbitral tribunal ang malawak na pag-angkin ng China sa mga karapatang pangkasaysayan sa loob ng nine-dash line dahil wala itong legal na batayan sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Gayunman, patuloy na tinututulan ng Beijing ang desisyon, habang nananatili ang mga tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here