Home HOME BANNER STORY 7 lugar makararanas ng peligrosong damang-init na ‘gang 43°C — PAGASA

7 lugar makararanas ng peligrosong damang-init na ‘gang 43°C — PAGASA

1
0

MANILA, Philippines — Posibleng umabot sa 43 degrees Celsius ang heat index o damang init sa pitong lugar sa bansa ngayong Biyernes, Nobyembre 27, dahil sa mainit at maalinsangang panahon na dulot ng Easterlies, ayon sa PAGASA.

Batay sa heat index forecast ng weather bureau, inaasahang papalo sa 43°C ang damang init sa Coron at Puerto Princesa City sa Palawan, gayundin sa Dipolog City, Zamboanga del Norte.

Samantala, maaaring umabot sa 42°C ang heat index sa Butuan City, Cuyo sa Palawan, Dagupan City sa Pangasinan at Zamboanga City.

Kabilang ang mga naturang lugar sa danger level ng PAGASA, na tumutukoy sa heat index na 42°C hanggang 51°C. Sa ganitong antas, posibleng makaranas ng heat cramps at heat exhaustion ang isang tao, habang maaari namang mauwi sa heat stroke ang matagal na pagkakalantad sa matinding init.

May 11 pang lugar na posibleng makapagtala ng heat index na hindi bababa sa 40°C, habang inaasahang aabot sa 38°C ang damang init sa Pasay at Quezon City sa Metro Manila.

Pinaalalahanan ang publiko na uminom ng sapat na tubig, umiwas sa matagal na pagbibilad sa araw lalo na mula alas-10 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon, at magsuot ng magagaan na damit upang makaiwas sa mga sakit na dulot ng matinding init.

Samantala, patuloy na nakaaapekto ang Easterlies o mainit na hanging nagmumula sa silangan sa malaking bahagi ng Pilipinas, na maaari ring magdala ng panaka-nakang pag-ulan at thunderstorms sa hapon o gabi.

Apektado naman ng shear line ang Batanes, habang posibleng lumakas muli ang Northeast Monsoon o Amihan sa Northern Luzon simula Sabado, Nobyembre 28.

Ayon kay PAGASA weather forecaster Robert Badrina, mababa ang posibilidad na magkaroon ng bagyo sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) hanggang sa katapusan ng Nobyembre.

Inaasahan din ang maulang panahon sa ilang bahagi ng Cordillera, Cagayan Valley, Aurora, Quezon, Oriental Mindoro, Bicol Region at Eastern Visayas sa mahabang weekend. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here