MANILA, Philippines — May karagdagang P176.89 milyon na inilaan sa panukalang 2027 national budget upang palakasin ang rescue at emergency response operations sa mga pangunahing destinasyon ng mga turista sa bansa.
Tinalakay ang dagdag-pondo sa deliberasyon ng Senado sa badyet ng Department of the Interior and Local Government (DILG) nitong Huwebes, Nobyembre 26.
Sa pagdinig, kinuwestiyon ni Senador Erwin Tulfo kung may sapat na rescue personnel at mga espesyal na grupo ang mga lokal na pamahalaan upang tumugon sa mga aksidente sa mga beach, talon, ilog at iba pang pasyalan.
Binigyang-diin ni Tulfo ang mga insidente ng pagkalunod at iba pang aksidente sa mga tourist destination, kabilang ang mga lugar na kulang sa babala at safety signs.
Ipinaliwanag naman ni Senador Panfilo “Ping” Lacson, na nagdepensa sa panukalang badyet ng DILG, na mayroon nang mga tourist police na nakatalaga sa walong pangunahing destinasyon sa bansa.
Mayroon din umanong mga tauhan ng lokal na pamahalaan na sumailalim sa kinakailangang pagsasanay para sa rescue at emergency response operations.
Ayon kay Lacson, karagdagan lamang ang P176.89 milyon sa kasalukuyang pondong ginagamit para sa mga naturang operasyon upang higit pang mapahusay ang pagtugon sa mga emergency.
Nauna nang naiulat ang ilang aksidente sa mga tourist destination, kabilang ang pagkakasagip sa limang turista na tinangay ng malakas na agos o rip current habang lumalangoy sa Baler, Aurora, nitong Nobyembre.
Bahagi ang dagdag na alokasyon sa panukalang P334.9 bilyong badyet ng DILG at mga attached agency nito para sa 2027, na dumaan na sa deliberasyon ng Senado. RNT