Home NATIONWIDE International news agency na AFP, sapul ng cyberattack

International news agency na AFP, sapul ng cyberattack

3
0

FRANCE – Tinamaan ng cyberattack ang France-based international news agency na Agence France-Presse (AFP) nitong Huwebes, Nobyembre 26, na nagresulta sa pansamantalang pagsasara ng online platform na ginagamit ng mga kliyente nito upang makakuha ng mga balita, larawan at video.

Ayon sa pamunuan ng AFP, nagsimula ang cyberattack bandang 1:30 ng madaling araw sa oras ng Paris at pinuntirya ang AFP Forum, isang platform kung saan maaaring maghanap at mag-download ng news content ang mga subscriber.

Agad umanong kumilos ang technical team ng ahensya upang mapigilan ang pagpasok sa kanilang sistema at pansamantalang isinara ang AFP Forum bilang pag-iingat.

Mananatiling hindi magagamit ang nasabing platform hanggang sa susunod na abiso, habang nag-aalok naman ang AFP ng mga alternatibong paraan upang maipagpatuloy ang serbisyo sa mga subscriber nito.

Nagsasagawa na rin ng imbestigasyon ang ahensya sa tulong ng mga external cybersecurity expert upang matukoy ang lawak ng insidente at kung sino ang nasa likod ng pag-atake.

Sa ngayon, wala pang natutukoy na responsable sa cyberattack, ayon sa pamunuan ng AFP.

Kabilang ang insidente sa serye ng cyberattack na tumama sa mga kumpanya at pampublikong institusyon sa France at iba pang bansa nitong mga nakalipas na buwan.

Ang AFP ay isa sa pinakamalalaking international news agency sa mundo, na may humigit-kumulang 1,840 mamamahayag mula sa 135 nasyonalidad at 210 bureau sa iba’t ibang bansa.

Batay sa 2025 annual report nito, nakagagawa ang ahensya ng average na 2,300 balita, 3,000 larawan at 300 video araw-araw. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here