Home NATIONWIDE DSWD sa content creators: Igalang PWDs, iwasan pangungutya

DSWD sa content creators: Igalang PWDs, iwasan pangungutya

2
0

MANILA, Philippines — Nanawagan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga content creator na maging responsable at igalang ang dignidad at karapatan ng persons with disabilities (PWDs), kasunod ng kontrobersiya sa mga pahayag ng podcast na “Machong Chismisan.”

Ayon kay DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, ang mga taong may kapansanan, kabilang ang nasa autism spectrum at may neurodevelopmental conditions, ay may karapatan sa respeto, privacy at maayos na pagtrato.

“Exploiting a person’s disability for amusement, ridicule, or online engagement is unacceptable,” ani Dumlao, na nagbabala na ang ganitong gawain ay maaaring magpalakas ng stereotypes at diskriminasyon laban sa PWDs.

Iginiit ng DSWD na may pananagutan ang content creators sa pagtataguyod ng inclusive at ligtas na digital spaces at dapat maging maingat sa pagtalakay sa mga usaping may kinalaman sa vulnerable sectors.

May legal na proteksiyon din laban sa pangungutya sa PWDs. Sa ilalim ng Republic Act No. 9442, na nag-amyenda sa Magna Carta for Persons with Disability, ipinagbabawal ang public ridicule at vilification laban sa isang tao dahil sa kanyang kapansanan.

Kabilang sa tinutukoy ng implementing rules bilang public ridicule ang paggawa ng degrading jokes o pangungutya sa isang PWD dahil sa kanyang kondisyon, gayundin ang mockery sa broadcast media at iba pang anyo ng entertainment.

Sa unang paglabag sa mga probisyon ng batas, maaaring ipataw ng korte ang P50,000 hanggang P100,000 multa, pagkakakulong ng anim na buwan hanggang dalawang taon, o pareho.

Naglabas ang DSWD ng pahayag matapos batikusin ang “Machong Chismisan” dahil sa mga komento ng mga host nito tungkol kay Josh Aquino. Tinanggal na ng podcast ang kontrobersiyal na episode at humingi ng paumanhin ang mga host. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here