Home NATIONWIDE 35 patay, higit 50 sugatan sa pagguho ng bubong ng paaralan sa...

35 patay, higit 50 sugatan sa pagguho ng bubong ng paaralan sa Pakistan

5
0

PESHAWAR, Pakistan — Hindi bababa sa 35 katao, kabilang ang 34 na bata at isang guro, ang nasawi matapos gumuho ang bubong ng isang pribadong paaralan sa Peshawar, Pakistan nitong Huwebes. Mahigit 50 iba pa ang nasugatan.

Naganap ang insidente sa Al-Khair school habang may klase. Ayon sa emergency services, bumigay ang mga bubong ng dalawang classroom na kinaroroonan ng Grade 2 at Grade 3 pupils kasama ang kanilang mga guro.

Karamihan sa mga batang nasawi at nasugatan ay nasa edad 6 hanggang 12, habang ang pinakamatanda ay 14-anyos. Ilan sa mga sugatan ay nasa kritikal na kondisyon.

Umabot sa halos 100 rescuers ang tumulong sa operasyon. Makalipas ang ilang oras, sinabi ng mga awtoridad na nailabas na ang lahat ng naipit sa mga guho at nalinis na ang debris.

Ayon sa emergency services, nakatulong ang mabilis na pagresponde upang mailigtas ang hindi bababa sa 40 katao.

Inaresto naman ng pulisya ang may-ari ng paaralan habang iniimbestigahan ang sanhi ng pagguho. Sinabi ng Peshawar police na mahina umano ang istruktura ng gusali, habang itinuro naman ng may-ari ang mga pag-ulan nitong mga nakaraang araw bilang posibleng dahilan.

Bumuo na ang provincial government ng komite upang imbestigahan ang insidente at malaman kung may paglabag sa building at safety standards.

Nagpaabot naman ng pakikiramay sina Pakistan President Asif Ali Zardari at Prime Minister Shehbaz Sharif sa mga pamilya ng mga nasawi at nanawagan ng masusing imbestigasyon sa trahedya. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here