WASHINGTON — Pinag-aaralan umano ng militar ng Estados Unidos ang posibleng paggamit ng pinakamalakas nitong non-nuclear bomb laban sa Iran sakaling magpasya si US President Donald Trump na muling palawakin ang military operations sa bansa.
Batay sa mga opisyal na nakausap ng CNN, kabilang sa mga pinag-aaralang opsyon ang GBU-43/B Massive Ordnance Air Blast o MOAB, na mas kilala bilang “Mother of All Bombs,” para sa posibleng pag-atake sa Iranian energy infrastructure at nuclear sites.
Gayunman, may pagdududa kung magiging epektibo ang MOAB laban sa malalalim na underground nuclear facilities ng Iran dahil hindi ito dinisenyo bilang deep-penetration weapon.
Nagbabala rin ang mga eksperto na malawak ang blast effect ng naturang bomba at maaaring magdulot ng panganib sa mga sibilyang nasa paligid ng target area.
Unang ginamit ng US sa aktuwal na operasyon ang MOAB noong 2017 sa Afghanistan, kung saan tinarget nito ang tunnel at cave complex na ginagamit ng Islamic State.
Hindi pa ito nangangahulugang napagdesisyunan nang gamitin ang MOAB laban sa Iran. Ang iniulat ng CNN ay bahagi lamang ng military planning para sa posibleng susunod na hakbang ng US, at sinabi ng Reuters na hindi nito independently verified ang naturang CNN report.
Wala pang inilalabas na kumpirmasyon ang Pentagon hinggil sa aktuwal na deployment o paggamit ng naturang bomba laban sa Iran sa oras ng ulat. RNT