MANILA, Philippines — Nakatakdang magsampa ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng mga kasong may kaugnayan sa ilegal na kalakalan ng droga laban sa ilang indibidwal na umano’y sangkot sa pagpapadala ng ₱11.5 bilyong halaga ng shabu patungong Pilipinas na nasabat sa Laos.
Sinabi ni PDEA spokesperson Joseph Frederick Calulut sa ANC na layunin nilang kasuhan ang lahat ng sangkot sa transportasyon ng ilegal na droga na nakatakdang dalhin sa Manila.
Ayon kay Calulut, isang politiko mula sa Mindanao na umano’y sangkot sa kalakalan ng droga ang nagpondo sa pagpapadala ng shabu. May iba pa rin umanong personalidad na sangkot, ngunit hindi muna niya ibinunyag ang kanilang mga pangalan at iba pang detalye.
Sinabi niyang nasa Pilipinas pa ang nasabing politiko at ibubunyag ang pagkakakilanlan nito kapag naihain na ang mga kasong illegal drug trading sa Department of Justice (DOJ).
Ayon sa PDEA, ang ginamit na private jet ay nirentahan lamang sa isang kompanya at hindi pag-aari ng sinumang politiko o negosyante. May pahintulot din umano itong lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at nakatakdang bumiyahe patungong Manila.
“Based on the flight plan that we got from our foreign counterparts, this private jet came from Malaysia, flew to Laos, and then from Laos, it was supposed to go to Manila. And from Manila, it would return to Malaysia,” ani Calulut.
“Dahil nahuli na sila sa Laos hindi na sila nakapag-land [sa NAIA],” dagdag niya.
Sinabi ni Calulut na malaki ang sindikatong nasa likod ng shipment dahil may kakayahan itong umarkila ng private jet at mag-distribute ng droga, partikular sa Metro Manila.
“Hindi lang ito mga small-time drug syndicates because they have the means or the capacity to hire a private jet. They also have the means, capacity, to distribute this, particularly sa Metro Manila na rin,” aniya. RNT/MDS