BATANGAS, Philippines — Patuloy ang aktibidad ng Taal Volcano matapos ang mahinang phreatomagmatic eruption na naitala noong nakaraang linggo, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sa bulletin nitong Biyernes ng umaga, iniulat ng Phivolcs na nakapagtala ang bulkan ng 17 volcanic earthquakes sa loob ng nakalipas na 24 oras.
Mula Oktubre 9 hanggang 16, naitala rin ang kabuuang 117 volcanic earthquakes at 11 tremor episodes.
Noong Oktubre 8, nakapagtala ang Phivolcs ng limang minutong phreatomagmatic eruption sa Taal Volcano.
Paliwanag ng ahensya, ang volcanic earthquakes ay dulot ng mga prosesong may kaugnayan sa magma sa ilalim o malapit sa aktibong bulkan. Samantala, ang volcanic tremors ay tuloy-tuloy na mabababang frequency na pagyanig na maaaring tumagal nang mahigit isang minuto.
Nagbuga rin ang Taal ng 223 metriko tonelada ng sulfur dioxide sa panahon ng monitoring, na itinuring ng Phivolcs na mahinang emission.
Nananatili ang Taal Volcano sa Alert Level 1, na nangangahulugang may abnormal na kondisyon ang bulkan. Nagbabala ang Phivolcs na hindi ito nangangahulugang tuluyan nang natapos ang aktibidad ng bulkan o wala nang panganib ng pagputok. RNT/MDS