Home NATIONWIDE Pagtaas ng presyo ng langis, nakaapekto sa bidding sa pagpapatayo ng mga...

Pagtaas ng presyo ng langis, nakaapekto sa bidding sa pagpapatayo ng mga silid-aralan

2
0

MANILA, Philippines — Naging dahilan ang pagtaas ng presyo ng langis at pangamba ng mga contractor sa gastos sa proyekto kaya ilang beses nang nabigo ang bidding para sa pagtatayo ng mga silid-aralan sa ilalim ng P21.4-bilyong kasunduan ng Department of Education (DepEd) at Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ayon kay DPWH Undersecretary Lara Marisse Esquibil sa pagdinig ng Senate finance subcommittee nitong Biyernes tungkol sa panukalang 2027 budget ng DepEd, mababa umano ang itinakdang halaga para sa pagpapatayo ng mga silid-aralan kumpara sa kasalukuyang gastos.

“I’ll just say here already, we’ve been encountering quite a few failure of biddings. They’ve been concerned with the costing of classrooms with fuel price increases,” ani Esquibil.

“So they were a bit market sounding, gave us some feedback that it was quite low,” dagdag niya.

Sa kabuuang P21.4 bilyon na saklaw ng kasunduan, P1.87 bilyon pa lamang na halaga ng mga proyekto ang umabot sa mga yugto ng paglahok ng mga posibleng bidder, post-qualification o paggawad ng kontrata. Nag-anunsiyo rin ang DPWH ng mga proyektong nagkakahalaga ng humigit-kumulang P7 bilyon para sa nasa 2,000 silid-aralan.

Bagama’t dumalo ang mga contractor sa pre-bid conferences, hinihintay pa rin ng ahensiya ang mga bid para sa ilang proyekto. Dahil dito, pinagsasama at inaayos ng DPWH ang mga proyekto upang mabawasan ang gastos ng mga contractor sa mobilisasyon at makahikayat ng mas maraming bidder.

Kinuwestiyon ni Sen. Bam Aquino, pinuno ng Senate finance subcommittee, ang mabagal na progreso at iminungkahing pag-aralan kung maaaring ilipat ang pondo sa programang pinamumunuan ng mga lokal na pamahalaan (LGU) kung patuloy na mahihirapan ang DPWH sa pagpapatupad.

“Doon natin siya ilagay sa kabayong tumatakbo, huwag doon sa kabayong hindi gumagalaw,” ani Aquino.

Sinabi naman ni Education Secretary Sonny Angara na nailipat na sa DPWH ang P7 bilyon at hindi na ito maibabalik sa DepEd, habang hindi pa naililipat ang natitirang P13 bilyon.

Hiniling ni Aquino sa DepEd at Department of Budget and Management na pag-aralan kung maaari pang ilaan ang hindi naililipat na pondo sa ibang paraan ng pagpapatupad. Humingi rin siya ng update bago ang plenary deliberations sa budget ng DepEd sa Nobyembre 24.

Batay sa presentasyon ng DepEd, target ng P65.4-bilyong programa sa pagpapatayo ng silid-aralan ang 18,950 silid-aralan. Kabilang dito ang 6,000 sa ilalim ng DPWH at 10,671 sa ilalim ng mga LGU.

Nasa procurement stage pa ang mga proyektong pinamumunuan ng DPWH. Samantala, ang programang LGU-led ay may 8,295 silid-aralan na saklaw ng 437 memorandum of agreement at nasa iba’t ibang yugto ng procurement.

Patuloy na tinutugunan ng pamahalaan ang kakulangan sa mga silid-aralan na dati nang tinatayang nasa 165,000. Nanawagan ang Senate panel ng mas mabilis na pagpapatupad at mas mahigpit na pagsubaybay sa mga target sa konstruksyon. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here