Home NATIONWIDE PBBM, posibleng makapulong ni Trump sa ASEAN Summit sa Manila

PBBM, posibleng makapulong ni Trump sa ASEAN Summit sa Manila

2
0

MANILA, Philippines – Posibleng magpulong sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at US President Donald Trump sa nakatakdang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Maynila sa darating na Nobyembre.

Sa isang panayam, sinabi ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel “Babe” Romualdez na pinag-aaralan na nila ang posibleng iskedyul at agenda ni Trump kung saan kabilang dito ang bilateral meeting sa pagitan ng dalawang lider.

“I assume that once we’ve confirmed the date, the exact dates of his arrival, then we can start working the schedule around that time and the agenda and the potential meetings that he will have, which includes a bilateral meeting with President Marcos,” ayon kay Romualdez.

Ani Romualdez, direktang nagpadala ang White House sa Malakanyang ng kumpirmasyon ng pagbisita ni Trump sa Maynila matapos na imbitahan ni Pangulong Marcos si Trump na bumisita sa Pilipinas.

“Most likely, the confirmation was sent directly to the Palace,” ayon kay Romualdez.

“So I assume that this thing is confirmed. But a formal announcement, I’m sure, will be forthcoming,” aniya pa rin.

Ilan sa magiging paksa na pag-uusapan nina Pangulong Marcos at Trump sa bilateral meeting ang West Philippine Sea at Pax Silica framework agreement kasama ang Estados Unidos.

Nauna rito, kinumpirma Malakanyang ang pagdalo ni Trump sa ASEAN Summit sa Maynila sa Nobyembre.

“It is confirmed, pero iyong details ay hindi po manggagaling sa akin,” ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.

Nauna rito, idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr bilang special (non-working) days sa National Capital Region ang Nobyembre 16 hanggang 18 para bigyang daan ang gaganaping 49th Association of Southeast Asian Nations (Asean) Summit and Related Summits.

Matatandaang, huling bumisita si Trump sa Pilipinas noong Nobyembre 12–14, 2017, para dumalo sa 31st ASEAN Summit Meeting sa Manila sa panahon ng kanyang first presidential term.

Una namang nagpulong sina Pangulong Marcos at Trump nang face-to-face sa White House sa Washington, D.C., noong Hulyo 22, 2025, para pag-usapan ang bilateral relations, defense cooperation, at trade.

Pagkatapos nito ay nagkaroon naman ng telephone conversation ang dalawang lider noong Hulyo 23, 2026, kung saan pinag-usapan nila ang economic developments at regional security concerns, kabilang na ang South China Sea. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here