Home NATIONWIDE Paglutas sa krisis sa edukasyon, seguridad vs school shooting, madidiskaril sa kinupit...

Paglutas sa krisis sa edukasyon, seguridad vs school shooting, madidiskaril sa kinupit na P6.17B ng Kamara – solon

2
0

MANILA, Philippines – Nandigan si Senador Bam Aquino na madidiskaril ang paglutas sa learning crisis na nararanasan ng mag-aaral kabilang ang seguridad ng mag-aaral laban sa school shooting at bullying sa kinupit na P6.17B ng Mababang Kapulungan sa badyet ng Department of Education (DepEd).

Sa kanyang opening statement sa pagbubukas ng budget briefing ng DepEd nitong Biyernes, sinabi ni Aquino, chairman ng Senate committee on basic education na kailangang tiyakin na napupunta at nagagamit nang tama ang pondo ng edukasyon.

Aniya, ipinaglaban ng Senado noong nakaraang taon ang pinakamalaking badyet sa sektor ng edukasyon upang lutasin ang learning crisis, ngunit madidiskaril sa 2027 sanhi ng kakulangan ng pondo.

“Mahalagang balikan kung saan napunta ang pondo noong 2026, kung aling mga programa ang naipatupad at hindi pa naaabot ang target, at kung paano masisiguro na bawat pisong inilaan ay direktang napapakinabangan ng mga mag-aaral at guro,” aniya.

Giit niya, hindi natatapos sa isang taon lamang ang pagtugon sa learning crisis at kailangan ng tuloy-tuloy na pagpopondo, malinaw na target at programang may konkretong resulta.

Sinabi ng senador na sa gitna ng mga prayoridad ay dapat unahin ang pangangailangan ng mga estudyante kaysa sa mga proyekto tulad ng silid-aralan, kaligtasan sa paaralan at mga programang direktang nakatutulong sa pagkatuto, kaysa imprastraktura na puwedeng ipagpaliban sa susunod na taon.

Tatlong mahahalagang isyu ang nais tutukan ni Aquino sa pagtalakay ng 2027 budget.

Una ang Classroom Acceleration Program na may 68 bilyong pisong budget ngayong taon, ang pinakamalaking pondo para sa school infrastructure sa kasaysayan ng bansa.

Nais malaman ng senador kung nasaan na ang implementasyon nito at kung gaano pa kalaki ang backlog sa classroom na umabot noon sa 165,000 noong una siyang pumasok sa Senado.

Inamin niyang nagkaroon ng delay sa procurement at konstruksyon kaya hinihingi niya sa DepEd at DPWH ang catch-up plan, kabilang ang tatlong modality na pinag-uusapan — ang LGU-based, DPWH-led at PPP — at kung ano ang maaasahan ng kabataan sa pagpapatayo ng mga silid.

Pangalawa ang Expanded National Nutrition Program o ang amyenda sa Masustansyang Pagkain Para sa Batang Pilipino Act na tinatawag ding Libreng Pagkain Para sa Batang Pilipino.

Ayon kay Aquino, nasa endgame na ang batas at inaasahang magba-bicam na sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo kaya matatapos bago matapos ang taon at saklaw na nito ang 2027 budget.

Aniya, malaking isyu ang pagbaba ng pondo para sa feeding program mula 27 bilyong piso noong 2026 na ginawang universal para sa Kinder at Grade 1 sa halagang 22 hanggang 25 piso kada meal, tungo sa 11 bilyong piso na lamang sa National Expenditure Program at General Appropriations Bill.

Giit niya, sa ilalim ng bagong batas ay palalawakin pa ang saklaw hanggang Grade 3 at itataas ang halaga kada meal sa 35 piso ayon mismo sa suhestiyon ng DepEd dahil sa taas ng presyo ng bilihin, kaya mas malaki pa ang kailangang habuling pondo para matiyak na lahat ng bata sa pampublikong paaralan mula Kinder hanggang Grade 3 ay makakatanggap ng libreng pagkain.

Binanggit din niya na matagal nang prayoridad ito ng ilang senador gaya ni Senador Alan Peter Cayetano na nakatutok sa paglaban sa stunting.

Pangatlo ang School Safety Act na pasado na sa Senado pero hinihintay pa sa Kongreso, bagama’t may commitment na para bilisan ang pagpasa nito.

Ayon kay Aquino, hindi lamang ito usapin ng mga kagamitan tulad ng CCTV at metal detector, kundi isang buong framework para suportahan ang kaligtasan sa mga paaralan, lalo na sa gitna ng mga ulat ng school shooting at mga banta ng karahasan.

Sa pagtatapos ng kanyang pahayag, sinabi ni Aquino na umaasa siyang maibabalik ang pondo ng edukasyon sa katumbas ng 4 percent ng Gross Domestic Product, dahil sa kasalukuyang kompyutasyon ay kulang pa ito.

Umaasa siya sa suporta nina Senate Finance Committee Chairman Sen. JV Ejercito, Senate President at maging ng Minority Floor Leader para maayos na mapondohan ang edukasyon.

Giit niya, hindi dapat napupulitika ang edukasyon dahil para ito sa lahat ng Pilipino at sa lahat ng batang Pilipino, at kung magtutulungan aniya ang lahat ay maaabot ang hangarin ng komite.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here