Home NATIONWIDE Pagpapalakas ng kakayahan ng Coast Guard, tiniyak ni PBBM sa gitna ng...

Pagpapalakas ng kakayahan ng Coast Guard, tiniyak ni PBBM sa gitna ng tumitinding mga hamon sa karagatan

1
0

MANILA, Philippines – Tiniyak Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang patuloy na pagsisikap ng administrasyon na palakasin ang kakayahan ng Philippine Coast Guard (PCG), kahandaan sa pagpapanatili ng seguridad sa karagatan at pakikipagtulungan sa mga international partner upang matugunan ang mga hamon sa karagatang sakop ng Pilipinas.

Sa kanyang talumpati sa pagdiriwang ng ika-125 anibersaryo ng PCG, araw ng Biyernes, Oktubre 16, binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang mahusay na Coast Guard upang protektahan ang pambansang interes sa karagatan, pangalagaan ang buhay ng mga mamamayan at tiyakin ang kaligtasan ng mga komunidad sa Pilipinas.

“Sa pagdiriwang natin ng 125 taon ng Philippine Coast Guard, harapin natin ang hinaharap nang may kumpiyansa at panibagong pangakong palakasin ang kakayahan at kahandaan nito upang tumugon sa mas kumplikadong mga hamon sa karagatan,” ang bahagi ng pahayag ng Pangulo.

Binigyang-diin din ni Pangulong Marcos na kailangang naaayon sa pambansang interes ang mga hakbang ng pamahalaan para sa seguridad sa karagatan, kasabay ng pagpapalawak ng pakikipagtulungan sa mga international partner.

“Mahalaga rin na patuloy na makipag-ugnayan ang PCG sa mga international partner upang mapangalagaan ang mga karagatang nag-uugnay sa ating mga isla. Makikipagtulungan tayo sa buong mundo habang nananatiling matatag na ginagabayan ng ating pambansang interes at hindi nalilimutan ang ating tungkulin sa sambayanang Pilipino,”dagdag pa ng Pangulo.

Sinabi ng Chief Executive na mahalaga ang pagpapanatili ng kaligtasan at seguridad sa karagatan upang mapangalagaan ang kabuhayan at kapakanan ng mga Pilipino, lalo na ang mga komunidad at sektor na umaasa sa malawak na yamang-dagat ng bansa.

“Ang mga karagatang nag-uugnay sa ating mga isla ay dapat maging pinagmumulan ng oportunidad para sa ating mga mamamayan, hindi ng takot o kawalan ng katiyakan,” ang winika ng Pangulo. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here