MANILA, Philippines — Pinangunahan ni Senador Bam Aquino, tagapangulo ng Subcommittee B ng Senate Committee on Finance, ang pagdinig sa panukalang badyet ng Department of Education (DepEd) at mga kalakip nitong ahensya para sa taong piskal 2027 noong Biyernes, Oktubre 16, 2026, sa Senado sa Pasay City.
Dumalo sa pagdinig si Education Secretary Sonny Angara, kasama sina Senate President Win Gatchalian at mga senador na sina Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano, JV Ejercito, Kiko Pangilinan at Erwin Tulfo.
Isa sa mga pangunahing tinalakay ang mabagal na pagpapatayo ng mga silid-aralan sa ilalim ng kasunduan ng DepEd at Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon kay DPWH Undersecretary Lara Marisse Esquibil, nagkaroon ng ilang bigong bidding dahil sa pagtaas ng presyo ng langis at pangamba ng mga contractor na mababa ang nakalaang halaga para sa konstruksyon.
Sa P21.4-bilyong kasunduan, P1.87 bilyon pa lamang na halaga ng mga proyekto ang umabot sa yugto ng paglahok ng mga bidder, post-qualification o paggawad ng kontrata. Nag-anunsiyo rin ang DPWH ng mga proyektong nagkakahalaga ng humigit-kumulang P7 bilyon para sa 2,000 silid-aralan.
Kinuwestiyon ni Aquino ang mabagal na progreso at hiniling na pag-aralan kung maaari pang ilaan sa programang pinamumunuan ng mga lokal na pamahalaan ang pondong hindi pa naililipat sa DPWH.
Sinabi ni Angara na nailipat na sa DPWH ang P7 bilyon at hindi na ito maibabalik sa DepEd, habang hindi pa naililipat ang natitirang P13 bilyon.
Humingi si Aquino ng update bago ang plenary deliberations sa badyet ng DepEd sa Nobyembre 24. Patuloy na tinutugunan ng pamahalaan ang kakulangan sa mga silid-aralan sa bansa na tinatayang nasa 165,000. RNT/MDS/larawan kuha ni Cesar Morales