MANILA, Philippines — Tinanggihan ng House prosecution panel ang mungkahing magkaroon ng kompromiso sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na magbibigay-daan sa kanyang pagkondena ngunit mananatili siyang kuwalipikadong tumakbo sa anumang posisyon sa gobyerno, dahil umano itong labag sa Konstitusyon.
Ayon kay House private prosecutor at legal spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., malinaw sa Konstitusyon ang mga parusang dapat ipataw kapag napatunayang nagkasala ang isang impeachable official.
“That has no basis, and it’s inconsistent with the provisions of the Constitution, which provides that if an impeachable officer is found guilty… then she should suffer the penalties of removal from office and perpetual disqualification,” ani Tolosa.
Sa ilalim ng Article XI, Section 3(7) ng 1987 Constitution, ang hatol sa impeachment case ay maaaring magresulta sa pagtanggal sa puwesto at permanenteng pagbabawal na humawak ng anumang posisyon sa pamahalaan na may karangalan, tiwala o pakinabang.
Nilinaw rin ni Tolosa na hindi nagbabago ang parusa kahit isang impeachment article lamang ang pagbatayan ng pagkondena.
“You only need to secure conviction for one [article] so that we will get the penalty under the Constitution,” paliwanag niya. “The penalties here will just be the same regardless of the number of articles that remain.”
Nauna nang binawi ng prosecution ang Articles I, III at IV at piniling ituon ang kaso sa Article II, na tumatalakay sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte, maling deklarasyon sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), at mga interes sa negosyo na iniuugnay sa kanya.
Ayon kay Tolosa, estratehiyang procedural ang pagbawi sa ibang alegasyon at hindi ito nangangahulugang napatunayan na ang pagkakasala. Ang pinal na desisyon ay nasa mga senador na nagsisilbing impeachment court.
“For us, what matters here is that at the end of the day, the question we’re aiming to answer is the Vice President’s continued fitness to remain in office,” aniya.
Itinanggi naman ng kampo ni Duterte ang mga alegasyon at nakatakdang magharap ng ebidensya upang sagutin ang mga paratang sa Article II. Ang pasya sa pagkondena at mga kaugnay nitong legal na epekto ay nakasalalay sa Senado matapos maipresenta ng magkabilang panig ang kanilang mga ebidensya. RNT/MDS