Home NATIONWIDE Testimonyang “Operation Double Barrel” sa kaso ni Digong, hiniling ng ICC prosecutors...

Testimonyang “Operation Double Barrel” sa kaso ni Digong, hiniling ng ICC prosecutors tanggapin bilang ebidensya

1
0

THE HAGUE, Netherlands — Hiniling ng mga prosecutor ng International Criminal Court (ICC) sa mga hukom na tanggapin bilang ebidensya ang mga naunang naitalang testimonya ng limang saksi sa kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa pampublikong dokumentong may mga bahaging hindi inilabas, hiniling ng prosecution na tanggapin ang mga pahayag ng mga saksi na kinilala bilang P-1087, P-1151, P-1158, P-1161 at P-1204, kasama ang mga kaugnay na dokumento, alinsunod sa Rule 68(3) ng ICC Rules of Procedure and Evidence.

Ayon sa prosecution, tumatalakay ang mga testimonya sa umano’y patakaran ng pagpatay at paggamit ng karahasan upang “neutralise” o patahimikin ang mga pinaghihinalaang kriminal sa Pilipinas, partikular sa ilalim ng kampanya kontra droga.

Kabilang sa mga inilatag na detalye ang mga operasyon ng pulisya, pagdududa sa katotohanan ng mga opisyal na ulat ng Philippine National Police (PNP) tungkol sa mga pagpatay, at umano’y pagkakaroon ng kultura ng karahasan at kawalan ng pananagutan.

Inilahad din sa mga testimonya ang umano’y pagpapatupad ng “Operation Double Barrel,” sistema ng gantimpalang pinansyal para sa mga pulis na sangkot sa pagpatay, at papel ng mga opisyal na itinalaga ni Duterte. Tinalakay rin ang umano’y paggamit ng “PRRD list” at mga pagbabago sa operasyon ng PNP matapos siyang maupo sa pagkapangulo.

Iginiit ng prosecution na mahalaga, mapagkakatiwalaan at may kaugnayan sa kaso ang mga testimonya. Anila, makatutulong ang pagtanggap sa mga ito sa nakasulat na anyo upang mapabilis ang paglilitis at maiwasan ang hindi kinakailangang paglalaan ng oras sa korte.

“The introduction of the Witnesses’ Prior Recorded Testimonies into evidence is not prejudicial to, or inconsistent with, the rights of the Accused,” ayon sa prosecution sa kanilang dokumento.

Dagdag pa nila, magkakaroon pa rin ang depensa ng pagkakataong kuwestiyunin ang mga saksi sa pamamagitan ng cross-examination, magharap ng salungat na ebidensya, at tutulan ang bigat na ibibigay sa mga naitalang testimonya.

Nasa mga hukom ng ICC ang pagpapasya kung tatanggapin ang kahilingan. Nahaharap si Duterte sa mga kasong crimes against humanity kaugnay ng kanyang administrasyon at kampanya kontra droga. Ang mga alegasyon ay kailangan pang suriin sa proseso ng paglilitis. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here