MANILA, Philippines — Panglima ang Pilipinas sa mga bansang pinakamadalas puntiryahin ng cyber operations na iniuugnay sa mga grupong suportado ng gobyerno ng China, ayon sa ulat ng Microsoft.
Sa Microsoft Digital Defense Report 2026, iniulat ng kompanya ang mga natuklasan nito tungkol sa state-sponsored hacking at digital operations na kinasasangkutan ng China, Iran, North Korea at Russia.
Pang-sampu rin ang Pilipinas sa mga bansang pinupuntirya ng North Korea at pang-12 sa mga bansang pinakamadalas tamaan ng cyber threats sa pangkalahatan.
Ayon sa Microsoft, nakatuon ang mga Chinese state actor sa malawakang pangangalap ng impormasyon mula sa iba’t ibang target upang suportahan ang mga layunin ng kanilang pamahalaan at mga operasyong paniktik.
“The goals of Chinese state actors remain largely consistent over time and center on long-term access to facilitate espionage,” ayon sa ulat.
Pinakatinarget ng Chinese state actors ang United States, na bumubuo sa 27 porsiyento ng naitalang aktibidad, kasunod ang Taiwan na may 24 porsiyento at Japan na may 20 porsiyento. Nasa ikaapat ang Hong Kong at ikalima ang Pilipinas, na kapwa kabilang sa mga target na may mas mababang bahagi ng naitalang aktibidad; 3 porsiyento ang Hong Kong at 2 porsiyento ang Pilipinas.
Kabilang din sa mga target ang Malaysia, Italy at United Kingdom, na may tig-2 porsiyento, at Germany at Belgium, na may tig-1 porsiyento.
Kabilang sa mga teknik na ginagamit ng mga cyber actor ang pagsasamantala sa mga kahinaan ng pampublikong online applications, paglalagay ng web shells o malisyosong scripts, at paggamit ng remote access trojans. Napansin din ng Microsoft ang paglipat ng ilang grupo sa mga pag-atakeng nakatuon sa digital identity, cloud systems at pagnanakaw ng datos.
Pangunahing puntirya ng mga operasyon ang mga organisasyon sa information technology at pamahalaan. Kabilang din sa mga tinatarget ang mga institusyong pang-akademiko at pananaliksik, think tank, non-government organizations, industriya ng pagmamanupaktura, transportasyon, retail, pananalapi, depensa at pampublikong kalusugan.
Ayon sa Microsoft, ginagamit din ng ilang Chinese state actor ang artificial intelligence (AI) upang maghanap ng mga kahinaan sa mga sistema at impormasyon tungkol sa paraan ng pagsasamantala sa mga ito.
Nauna nang nagbabala ang Armed Forces of the Philippines tungkol sa tumitinding banta ng cyber operations na iniuugnay sa China ngayong 2026, kasabay ng tensiyon ng Maynila at Beijing sa West Philippine Sea. RNT/MDS