LONDON, United Kingdom — Hinatulan ng 20 taong pagkakakulong ang isang 19-anyos na Norwegian na bumiyahe patungong Britain upang magsagawa ng pagpatay matapos siyang rekrutahin online ng Swedish organized crime group na Foxtrot Network, na iniuugnay sa Iran.
Ayon sa mga prosecutor sa Britain, ni-recruit si Johannes Natland ng Foxtrot Network, isang grupong nagbabayad sa mga kabataan upang magsagawa ng karahasan para sa mga kliyente, kabilang umano ang estado ng Iran.
Nahaharap siya sa kasong conspiracy to murder at nahatulan noong Hulyo. Hindi umano sinabi sa kanya ang pagkakakilanlan ng taong papatayin kapalit ng bayad na 270,000 Norwegian kroner, o humigit-kumulang $28,600.
Kaka-18 lamang ni Natland nang bumiyahe siya mula Norway patungong Britain matapos tumugon sa isang online advertisement na nag-aalok ng bayad sa pagpatay at nagsasabing “nothing can go wrong”.
Inamin niyang nagmamay-ari siya ng semi-automatic pistol, revolver at mga bala, ngunit itinanggi ang sabwatan sa pagpatay. Sinabi niyang wala siyang balak ituloy ang plano at naisip pa niyang barilin ang sarili sa paa upang makaalis sa sitwasyon.
Gayunman, sinabi ng mga prosecutor na masigasig siyang sumali sa plano at ipinagyabang sa isang kaibigan na “it will be cool to kill someone”.
Sa paghatol sa Woolwich Crown Court sa London, sinabi ni Judge Bobbie Cheema-Grubb na kumbinsido siyang naisakatuparan sana ni Natland ang pagpatay kung hindi siya naaresto ng pulisya. Sinabi rin ng hukom na hindi ito padalus-dalos na kilos, kundi planong ipinakita ang layunin at pagpupursige. Kailangang magsilbi si Natland ng hindi bababa sa 13 taon sa kustodiya.
Ayon sa kanyang Norwegian lawyer na si Farid Bouras, sisikapin nilang mailipat si Natland sa Norway sa lalong madaling panahon.
Sinabi naman ni Commander Helen Flanagan, pinuno ng Counter Terrorism Policing London, na walang ebidensiyang may direktang ugnayan ang kaso ni Natland sa Iran. Gayunman, nagsilbi umano itong babala sa mga kabataang maaaring ma-recruit online upang gamitin sa mga krimen.
Naiugnay ang Foxtrot Network sa ilang pagpatay sa Europe. Inakusahan naman ng Britain at United States ang grupo na nasa likod ng mga pag-atake sa mga Israeli at Jewish target para sa Iran, na itinatanggi ang paratang. RNT/MDS