MANILA, Philippines — Hindi na matunton ng Office of the Ombudsman ang 13 sa 46 na respondent sa kasong plunder kaugnay ng Pharmally scandal, dahilan upang maantala ang pag-usad ng kaso, ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla nitong Biyernes.
“In the case of Pharmally, there are 46 respondents. That’s why it’s taking a while. Many of them have become invisible, as if they are trying to evade the jurisdiction of this body,” pahayag ni Remulla sa isang press briefing.
Iniuugnay ang kaso sa umano’y maanomalyang pagbili ng pandemic supplies, kabilang ang face masks, personal protective equipment at testing kits, na nagkakahalaga ng halos P11 bilyon.
Kabilang sa 13 respondent na hindi matagpuan ang Pharmally chair na si Huang Tzu Yen; president na si Twinkle Dargani; corporate secretary at treasurer na si Mohit Dargani; director na si Linconn Uy Ong; head of regulatory affairs na si Krizie Grace Mago; financial manager na si Lin Wei Xiong; asawa ni Xiong na si Rose Nono Lin; dating Department of Budget and Management-Procurement Service personnel na si Mervin Ian Tanquintic; at Alvin Fernandez, Gilbert Recluta, Orly delos Reyes, Nelson Taguik at Gerald Cruz.
Hinahanap din ng Ombudsman ang mga address nina Ma. Joycelynn Lee Rodriguez, Mark Augustine Lee Rodriguez, Michael Angelo Santos Rodriguez at Mikhail Franceso Lee Rodriguez.
Samantala, nakatakdang ihatid ang mga kopya ng reklamo sa iba pang respondent, kabilang sina Michael Yang, dating economic adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at itinuturing na “financier” ng Pharmally; kapatid niyang si Tony Yang; mga opisyal ng Pai Li Holdings at Pai Hong Realty na sina Jayson Uson at Yuqin Zheng; Pharmally director Justine Garado; at Adriano Po Jr.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee mula Agosto 2021 hanggang Enero 2022, lumitaw na nakakuha ang Pharmally Pharmaceuticals Corp. ng mga kontratang nagkakahalaga ng P11.5 bilyon kahit P625,000 lamang ang bayad na kapital nito. Ito ang pinakamalaking bahagi ng mga kontrata ng pamahalaan sa mga pribadong kompanya para sa COVID-19 supplies noong panahong iyon. RNT/MDS