Home NATIONWIDE Abante, bumanat sa ‘pagsisinungaling’ ng kampo ni VP Sara

Abante, bumanat sa ‘pagsisinungaling’ ng kampo ni VP Sara

3
0

MANILA, Philippines – Sinopla ni Manila Rep. Bienvenido Abante ang kampo ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng mga pahayag ng mga abogado nitong sina Atty. Salvador Paolo Panelo Jr. at Salvador Panelo hinggil sa impeachment trial sa Senado.

Ayon kay Abante, panlilinlang sa taumbayan ang pinalalabas ng mga Panelo na walang sapat na ebidensya at labag sa Konstitusyon kung ma-convict ang Bise Presidente.

Giit ng mambabatas, napakaraming ebidensya ang naisumite ng prosecution lalo na tungkol sa unexplained wealth nito.

“The statement of Atty. Paolo Panelo saying that if the vice president will be convicted, that it will not be according to the Constitution, smacks of lies and deceit to the Filipino people because voluminous evidence has been revealed by the prosecution team, especially the unexplained wealth. It’s not an if, but it is a surety, according to the constitution that VP Sara will be convicted,” sabi ni Abante.

Sinopla rin ng solon ang nakatatandang Panelo na dumalo sa mga hearing pero sinasabi pa ring walang ebidensya. Aniya, tiyak na ang conviction ni VP Sara batay sa mga rekord ng bangko at mga testimonya sa impeachment court.

Ipinagtanggol din ni Abante ang ruling ng Senado na 2/3 boto ng mga kwalipikadong senator judges na lumalahok sa trial ang kailangan para sa conviction, sa halip na ibatay sa buong 24 miyembro ng Senado.

Magugunitang inatras ng prosecution ang tatlo sa apat na impeachment articles laban kay Duterte noong Oktubre 13 para magpokus na lamang sa Article II ukol sa unexplained wealth, kaduda-dudang SALN, at ipinagbabawal na negosyo.

Paliwanag ni House lead prosecutor Rep. Gerville Luistro, sapat na ang mga dokumento at pahayag ng mga eksperto para patunayan ang kaso. Kabilang dito ang pahayag ng forensic accounting expert na si Alexander Cabrera na nagbunyag na nasa ₱817.87 milyon hanggang ₱1.5 bilyong hindi maipaliwanag na yaman ni VP Sara at ng asawa nitong si Atty. Manases Carpio mula 2022 hanggang 2025.

Bagamat iginigiit ng depensa na hindi ibig sabihin ay ilegal na nakuha ang mga naturang ari-arian, naniniwala si Abante na kahit ang ordinaryong mamamayan ay nakikita ang pananagutan ng Bise Presidente batay sa mga ebidensya. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here