MANILA, Philippines – Patay ang 56-anyos na rider ng motorsiklo mula Marikina City matapos bumangga sa isang nakaparadang trak nitong Biyernes ng gabi, Oktubre 16, sa national highway sa Mahayag, Zamboanga del Sur.
Sa report, sinabi ni Police Capt. Derf Jay Maquinta, spokesperson para sa Zamboanga del Sur Police Provincial Office (ZSPPO), na ang insidente ay nangyari 7:50 ng gabi sa Purok 1, Barangay Kaangayan.
Sa inisyal na imbestigasyon, napag-alaman na ang biktima ay bumibiyahe mula Zamboanga City patungong Pagadian City kasama ang grupo ng big-bike riders mula Metro Manila sa pamamagitan ng Sindangan -Dumingag Road.
Habang binabagtas ang highway ay sinalpok ng itim na scooter ng biktima ang likod ng elf truck na nakaparada sa kalsada.
Ayon sa pulisya, wala sa loob ng trak ang 34-anyos na drayber nito nang mangyari ang insidente.
Nagtamo ng severe injuries ang biktima na agad isinugod sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Dinala naman sa Mahayag police station ang drayber ng trak para maimbestigahan sa insidente. RNT/JGC