MANILA, Philippines – Naaresto ng pulisya ang Nigerian matapos makuhanan ng ecstacy pills na nagkakahalaga ng P5.96 milyon sa buy-bust operation sa Barangay Balibago, Angeles City nitong Biyernes ng gabi, Oktubre 16.
Sa pahayag nitong Sabado, sinabi ng Angeles City police na ang 46-year-old Nigerian national ay kabilang sa “high-value individuals” ng pamahalaan sa iligal na droga.
Isinagawa ng pinagsanib na operatiba ng Angeles City police at regional police units ang buy-bust sa 1st Street sa Barangay Balibago bandang 10:30 ng gabi.
“The operation resulted in the arrest of a 46-year-old male Nigerian national identified as a high-value individual, and the confiscation of 3,510 pieces of suspected ecstasy tablets with an estimated Standard Drug Price of P5,967,000,” sinabi ng Angeles City police.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng Central Luzon police na ang naarestong Nigerian national ay residente ng Mabalacat City.
Nahaharap ito sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT/JGC