MANILA, Philippines – Binatikos ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang tatlong senador ng minorya na bumoto pabor sa muling pagdinig ng petisyon para patalsikin sa puwesto si Senador Erwin Tulfo.
Sa kanyang post sa X nitong Sabado, Oktubre 17, sinabi ni Lacson na nawala na ang hustisya at pagiging patas nang suportahan ng tatlong miyembro ng Senate Electoral Tribunal o SET ang mosyon na inihain ni dating abogadong si Berteni Causing.
Ayon kay Lacson, late na ang paghahain ng mosyon at wala ring legal standing ang petitioner.
Dagdag pa niya, posibleng mas malalim pa ang motibo ng tatlo kaysa personal na isyu laban kay Tulfo.
Hindi pinangalanan ni Lacson kung sino ang tatlong senador na bumoto pabor sa mosyon.
Apat na senador ng minority bloc ang dumalo sa pagdinig ng SET nitong Biyernes — sina Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano, Robin Padilla at Camille Villar.
Sa botong 6-3, ibinasura ng SET ang motion for reconsideration ni Causing, kabilang na ang amended quo warranto petition laban kay Tulfo.
Ang quo warranto petition ay kumukwestyon sa legal na karapatang manatili sa puwesto ng isang opisyal.
Hiniling ni Causing na baliktarin ang resolusyon ng tribunal noong March 2, 2026 na nagbasura sa una niyang petisyon dahil kulang sa porma.
Kabilang sa alegasyon ni Causing laban kay Tulfo ang umano’y katapatan sa Amerika at hindi sa Pilipinas, isyu sa citizenship, pagiging bahagi ng political dynasty, at kakulangan sa academic qualifications.
Nakita rin ng SET na kulang pa rin sa porma ang amended petition.
Ibinasura ang mosyon nang hindi pinipigilan ang paghahain ng panibagong petisyon.
Si Causing din ang isa sa mga naghain ng dalawang disqualification case laban kay Tulfo noong tumatakbo ito sa pagka-senador noong 2025 elections dahil sa libel conviction at isyu sa American citizenship, na kapwa ibinasura ng Comelec dahil sa kakulangan ng dokumento. Ernie Reyes