MANILA, Philippines – Nasabat ng mga awtoridad ang nasa siyam na kilo ng hinihinalang marijuana na nagkakahalaga ng P1.016 milyon.
Kasabay nito ay naaresto ang 21-anyos na lalaki sa buy-bust operation sa General Santos City nitong Biyernes ng gabi, Oktubre 16.
Ang suspek ay kinilala sa alyas na “Mels” ng Barangay Fatima, na naaresto bandang 8:42 ng gabi sa Silway Darimco, Barangay Dadiangas West.
Narekober ng mga operatiba ng Police Station 1 ng General Santos City Police Office, kasama ang city police intelligence unit, ang medium-sized sachet ng hinihinalang marijuana, walong brick-shaped packages, at 61 iba pang sachet ng iligal na droga.
Nakuha rin sa suspek ang P1,000 buy-bust money at personal na gamit.
Nahaharap ito sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT/JGC