MANILA, Philippines – Nagbabala ang Department of Health (DOH) nitong Linggo, Oktubre 18, hinggil sa masamang epekto sa kalusugan ng cadmium, isang toxic metal na matatagpuan sa vape aerosols.
Ayon sa DOH , maaaring makasira ng bato at buto ang cadmium, habang ang matagalang exposure ay maaaring magpataas ng panganib ng cancer.
Bukod sa cadmium, maaaring naglalaman din ang vape aerosols ng iba pang mapaminsalang kemikal, kabilang ang benzene, diacetyl, at acrolein.
Hinikayat ng DOH ang publiko, lalo na ang mga kabataan, na iwasan ang pag-vape dahil sa mga nakapipinsalang sangkap nito.
Sinuportahan din nito ang panawagang magpatupad ng mas mataas na buwis sa vape upang gawing hindi gaanong abot-kaya at accessible ang mga produktong posibleng makasama.
Noong unang bahagi ng buwang ito, sinabi ng Philippine Tobacco Harm Reduction Advocates (PHILTRA) na hinimok ng mga health advocate ang gobyerno na ikonsidera ang mas mataas na excise tax sa vape products.
Sa kasalukuyan, magkaiba ang buwis sa e-liquids depende kung salt nicotine o freebase nicotine ang nilalaman nito.
Samantala, iminumungkahi ng Department of Finance ang isang unified excise tax na P72.93 kada 2 milliliters o 2 gramo sa e-cigarettes at heated tobacco products, bukod pa sa P150 excise tax kada device. Jocelyn Tabangcura-Domenden