MANILA, Philippines – Mariing sinopla ni Senador JV Ejercito si Vice President Sara Duterte laban sa paratang nitong ginagamit ng administrasyon ang 2027 national budget upang magkaroon ng guilty verdict sa impeachment trial nito.
Sa panayam, sinabi ni Ejercito, chairman ng Senate committee on finance, na kailanman gagamitin ang 2027 national budget para sa impeachment trial ni Duterte na nahaharap sa kasong hidden wealth na nagkakahalang mahigit isang bilyong piso.
“Walang katotohanan yan, walang nangyayaring ganyan. Yun lang ang masasabi ko. Kung may dapat makaalam niyan, ako yun,” sinabi ni Ejercito na tumatayong chairman ng Senate finance committee, sa isang panayam.
“Hindi namin papayagan yan,” dagdag pa niya.
Nauna nang iniugnay ni Vice President Duterte ang impeachment proceedings sa umano’y pamimigay ng pera at political maneuvering kaugnay ng panukalang 2027 national budget.
Kinuwestyon niya kung ginagamit ang pondo ng bayan para impluwensyahan ang mga senador na uupo bilang senator-judges at gantimpalaan ang mga bumoto ng “yes” sa Kamara.
“Ginagamit ba ang budget para pagsilbihan ang mamamayang Pilipino, o naging bargaining chip na ito para i-pressure ang mga senador na uupong hurado at gantimpalaan ang mga boboto ng ‘yes’ sa House of Representatives?” tanong ni Duterte.
Hindi naman nagbigay ng detalye si Duterte hinggil sa mga transaksyon o indibidwal na umano’y sangkot sa sinasabing pamumulitika.
Sinabi ni Ejercito na umaasa siyang hindi pagdudahan ang mga senador na magsisilbi ring senator-judges sa impeachment trial.
Sinabi ng senador na ginagawa nila ang lahat upang maging patas sa paghawak ng kaso. Aniya, maraming problema at hamon na kailangang harapin at pagtuunan ng pansin ang bansa, ngunit tungkulin nila sa ilalim ng Konstitusyon ang paghawak sa impeachment.
“Makakaasa kayo na hindi gagamitin ang national budget para sa impeachment. Kung may dapat makaalam niyan, ako yun dahil ako ang chairman ng committee on finance,” ani Ejercito. Ernie Reyes