Home NATIONWIDE Mismong testigo ng prosekusyon umaming walang nakitang pagdeliver ng pera kay Romualdez

Mismong testigo ng prosekusyon umaming walang nakitang pagdeliver ng pera kay Romualdez

7
0

MANILA, Philippines – Dalawa sa mga testigo ng prosekusyon ang umamin sa Sandiganbayan Third Division na wala silang personal na nakitang anumang paghahatid ng pera kay dating House Speaker Martin Romualdez.

Sa ginanap na pagdinig ukol sa petisyon para sa piyansa ni Romualdez, ibinigyang diin ng defense counsel na si Atty. Via Valdepeñas ang mga pahayag ng nina Police Major Alvin Nuguid at Police Chief Master Sergeant Larry Zymon Bellen na sa cross examination ay umamin na kailanman ay hindi sila nakasaksi sa sinasabing paghahatid ng cash.

Si Nuguid ay nagsilbing assistant security officer ni dating Ako Bicol Rep Zaldy Co mula Marso 2024 hanggang Hulyo 2025, at Bellen ay nagsilbing  close-in security officer simula noong 2018.

Inamin ni Nuguid na bagamat nasamahan niya si Co sa ilang lokasyon tulad ng isang townhouse sa Manila Polo Club, McKinley Road sa Forbes Park, 30 Tamarind, at Aguado Street, wala siyang nakitang perang ibinabyahe o inihahatid sa mga lugar na ito.

Aniya, nakakakita man siya ng mga maleta, hindi niya alam kung ano ang laman ng mga ito, kung saan binili, at kung saan dadalhin.

Ipinaliwanag nito na ang 15 tauhan ng Philippine National Police (PNP) na nakatalaga kay Co ay puro security concerns lamang ang hawak at walang anumang pinag-uusapang delivery ng pera sa kanilang mga Viber group.

Samantala, umamin din si Bellen na ang kanyang sinasabing may lamang pera ang mga maleta ay nalaman lamang niya sa kuwento ng ibang tao at hindi sa sarili niyang obserbasyon.

Lumalabas din sa pagtatanong ni Valdepeñas na ang claim ni Bellen na gusto ni Romualdez na tumakbo si Co sa Ako Bicol ay narinig lamang niya sa usapan ni Co at ng asawa nito.

Inamin din ni Bellen na mula noong 2018 ay wala siyang narinig na anumang usapan o tawag sa telepono mula kay Romualdez.

Dahil sa mga admission na ito ng mga testigo, iginiit ng kampo ng depensa na walang anumang matibay at direktang patunay na nag-uugnay kay Romualdez sa sinasabing mga iregularidad at pawang hearsay lamang ang mga alegasyon laban dito. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here