MANILA, Philippines – Nanawagan ang Second Congressional Commission on Education o EDCOM 2 sa Department of Education (DepEd) na agarang repasuhin ang alokasyon ng plantilla positions at bilisan ang pag-hire ng mga guro para sa Special Needs Education (SNED).
Ayon sa DepEd, mayroong mahigit 6,000 na awtorisadong posisyon para sa SNED teachers.
Ngunit base sa datos ng EDCOM 2 hanggang Pebrero 11, 2026, 717 sa 6,613 na awtorisadong posisyon o 10.8% ang bakante pa rin.
Pinakamarami ang bakante sa NCR na may 216, sinundan ng Region III na may 109, at Region IV-A na may 74.
Lumabas din sa pagsusuri ng ECAIR na may 1,906 na paaralan na mayroong kahit isang mag-aaral na naka-enroll sa non-graded SNED program ngunit walang naitalang SNED teacher.
Sa elementarya, pinakamarami ang bakante sa Quezon City na may 48, Maynila na may 40, Zamboanga del Norte na 20, Davao City na 19, at Bulacan na 17.
Sa junior high school naman, nangunguna ang Pasay City na may 46 na bakante, sinundan ng Quezon City na 13, Zambales at Davao City na tig-10, Mandaluyong City at Rizal na tig-7.
“Sa aming pagbisita sa mga paaralan, sinabi ng mga guro na kulang ang SNED plantilla positions para sa mga naatasang magturo sa mga learners with disabilities,” paliwanag ni EDCOM Executive Director Karol Mark Yee. “Dahil dito, napipilitang magturo ang mga gurong walang sapat na training sa SNED, o kaya naman ay napakataas ng ratio ng guro sa estudyante.”
Sa konsultasyon ng EDCOM 2, sinabi ng mga guro na 15:1 ang ratio na ipinapatupad sa mainstream classes anuman ang pangangailangan ng bata, kaya nahihirapan silang bigyan ng indibidwal na suporta ang mga mag-aaral na may iba’t ibang kapansanan.
Ayon pa sa EDCOM 2, umaabot sa 1:902 ang ratio ng SNED teacher sa mga estudyanteng may pormal na diagnosis sa Iloilo.
Sinundan ito ng Baguio City na 1:494, Camarines Sur na 1:453, Parañaque City na 1:356, Pangasinan I, Lingayen na 1:355, at Zamboanga del Sur na 1:290. Pinakamalala ang kakulangan sa Junior High School.
Sa 204,964 na pormal na na-diagnose na learners with disabilities sa pampubliko at pribadong paaralan, 37.7% o 77,217 ang may autism, 18.1% o 37,019 ang may intellectual disability, at 10.8% o 22,131 ang may learning disability.
Sa pagdinig ng budget ng DepEd sa Senado, sinabi ni Assistant Secretary Jerome Buenviaje na ang ideal ratio para sa inclusive education ay isang receiving teacher sa bawat limang mag-aaral na nangangailangan ng suporta.
Gamit ang datos na 495,000 learners with special needs sa Learner Information System, tinaya ni Sen. Bam Aquino na kung susundin ang 1:5 ratio para sa 400,000 learners, kakailanganin ng humigit-kumulang 80,000 guro — malayo sa kasalukuyang 6,000+ na nasa SNED plantilla.
“Sabi nyo sa Learner Information System, mayroong 495,000 learners with special needs… we would need around 80,000 teachers. And currently, nasa 6,000+ pa lang ang teachers under the SNED plantilla. Napakalaki pa ng gap,” ani Aquino.
Nilinaw ni Buenviaje na hindi lahat ng 80,000 ay kailangang specialized SNED teachers, kundi kasama na rito ang pagsasanay sa general education teachers bilang receiving teachers.
“Yung mga special needs na mga kabataan kailangan talaga ng special na tulong and we need to provide more resources for them. More than the facilities, more than the paraphernalia and the equipment, it’s really the teachers that we need to focus on,” dagdag ni Aquino.
Ayon kay Yee, kailangang madaliin ng DepEd at ng DBM ang paglikha ng mas tumutugon na sistema sa paglalaan ng guro.
“Clearly having ratios of 1:900 and 1:500 is unintended, and also untenable, if we truly want to provide inclusive education to our students. We hope that DepEd can look into this matter as it implements Republic Act 11650 o The Inclusive Education Act,” aniya.
Ang EDCOM 2 ay ang Congressional body na nilikha sa ilalim ng RA 11899 na naatasang magsagawa ng komprehensibong pagsusuri sa performance ng sektor ng edukasyon sa bansa. Ernie Reyes