LAGUNA, Philippines – Tinatayang nasa halagang Php 5.4 Million ilegal na droga ang nasabat at 235 katao ang naaresto sa magkakahiwalay na operasyon sa lalawigan ng CALABARZON.
Base sa report ng Police Regional Office 4A nasa 202 ang isinagawang operasyon laban sa ilegal na droga sa loob ng isang linggo na sinimulan ng Oct. 12 hanggang 18, 2026 at narekober ang humigit kumulang sa 798.19 gramo ng hinihinalang Shabu at 39.50 gramo ng mga pinatuyong dahon ng Marijuana na may kabuuang halagang Php 5, 432, 398.00.
Napag-alaman na ipinakikita ang mga naitalang resulta ng patuloy na pagsisikap ng PRO4A na isulong ang B.E.S.T. Policing Framework na nakatuon sa Be Visible, Engage Immediately, Serve Together, and Transform Trust.
Sa pamamagitan ng pinaigting na presensya ng pulisya, maagap ma pagtugon sa mga banta sa seguridad, pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan, komunidad at pagpapatibay ng tiwala ng publiko, layunin ng PRO4A na mas epektibong sugpuin ang ilegal na droga at pangalagaan ang kapakanan ng mamamayan.
Patuloy na pinaiigting ng PRO4A ang mga operasyong kontra ilegal na droga, pagpapalakas ng pangangalap ng impormasyon, at pakikipag-ugnayan sa mga katuwang sa komunidad upang matukoy at mapanagot ang mga sangkot sa ilegal na gawain.
“Ang laban kontra ilegal na droga ay hindi lamang tungkulin ng kapulisan, kundi pananagutan nating lahat. Sa pamamagitan ng pagkakaisa at pakikiisa ng komunidad, masisiguro natin ang mas ligtas at drug-free na CALABARZON.” Ani PBGen Dominic L. Baccay.
Samantala, ang mga naarestong suspek ay pawang nasa magkakahiwalay na kustodiya ng kapulisan habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa mga suspek. /Ellen Apostol