MANILA, Philippines — Umaasa si Senate President Sherwin Gatchalian na matatapos bago matapos ang 2026 ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte upang mabawasan umano ang political uncertainty sa bansa.
“We hope na until this year para mawala rin yung uncertainty,” ani Gatchalian, ngunit nilinaw niyang walang tiyak na deadline ang Senado para tapusin ang paglilitis pagsapit ng Disyembre.
Ayon kay Gatchalian, nakadepende ang tagal ng susunod na bahagi ng trial sa bilang ng mga testigo at ebidensiyang ihaharap ng defense.
Aniya, maaari ring makaapekto sa negosyo at investment decisions ang matagal na political uncertainty kaya hangad nilang matapos ang proseso sa lalong madaling panahon.
Naka-recess ngayon ang Senate impeachment court at magpapatuloy ang paglilitis sa Nobyembre 9, kung kailan nakatakdang simulan ng defense ang pagpresenta ng kanilang ebidensiya.
May mga whole-day hearing ding itinakda sa Nobyembre 10, 12, 13, 19 at 20, habang may iba pang trial dates sa Nobyembre 11 at 23. Ang iskedyul para sa Disyembre ay pagpapasyahan pa ng impeachment court depende sa takbo ng proceedings. RNT