MANILA, Philippines — Pitong overseas Filipino worker (OFW) ang nasugatan sa serye ng mga pag-atake sa Saudi Arabia, tatlo sa kanila ang nasa kritikal na kondisyon, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Batay sa impormasyong mula sa Department of Migrant Workers (DMW), sinabi ng DFA na nakikipag-ugnayan na ito sa Saudi authorities upang mabigyan ng kinakailangang medical care at assistance ang mga apektadong Pilipino.
Kabilang sa mga insidente ang pag-atake sa King Khalid International Airport sa Riyadh noong Oktubre 10, kung saan mahigit 300 katao ang naiulat na nasugatan.
“These attacks are a grave threat to regional peace and stability,” pahayag ng DFA, kasabay ng panawagan nito sa lahat ng panig na itigil ang labanan at resolbahin ang sigalot sa pamamagitan ng dialogue at diplomacy.
Hinimok din ng DFA ang mga Pilipino sa Saudi Arabia na sundin ang mga abiso ng lokal na awtoridad at manatiling nakikipag-ugnayan sa Philippine Embassy sa Riyadh at Philippine Consulate General sa Jeddah.
Samantala, 34 OFW mula Saudi Arabia ang dumating sa Pilipinas nitong Lunes, habang 65 pa ang inaasahang makauwi ngayong Martes, Oktubre 20, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration.
Nauna nang pinayuhan ng Philippine diplomatic missions sa Saudi Arabia ang mga Pilipino roon na pairalin ang mas mataas na antas ng pag-iingat sa gitna ng patuloy na tensiyon sa rehiyon. Dave Baluyot