MANILA, Philippines — Inatasan ng Sandiganbayan Third Division ang 90-araw na preventive suspension kay Sen. Rodante Marcoleta kaugnay ng kinakaharap nitong plunder case sa umano’y P75 milyong campaign donations.
Sa resolusyong inilabas noong Oktubre 19, sinabi ng anti-graft court na magiging epektibo ang suspensiyon sa oras na matanggap ni Marcoleta ang kautusan at awtomatikong matatapos matapos ang 90 araw.
Ayon sa Sandiganbayan, mandatory ang preventive suspension kapag napatunayang valid ang information na inihain laban sa isang akusado sa ilalim ng Plunder Law at umiiral na jurisprudence.
“Considering that the Information has been determined to be valid, it becomes the ministerial duty of the Court to forthwith issue the order of preventive suspension,” saad sa resolusyon.
Nahaharap si Marcoleta sa kasong plunder kaugnay ng P75 milyong campaign contributions na umano’y natanggap niya noong 2025 habang nagsisilbi bilang SAGIP Party-list representative.
Ayon sa Office of the Ombudsman, hindi umano naideklara ang naturang halaga sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures at Statement of Assets, Liabilities and Net Worth.
Nahaharap din siya sa tatlong kaso ng paglabag sa Presidential Decree No. 46, na nagbabawal sa pagtanggap ng ilang regalo o benepisyo ng public officials kaugnay ng kanilang posisyon.
Nag-plead not guilty si Marcoleta sa mga kaso noong Hulyo.
Nilinaw na preventive lamang ang suspensiyon at hindi ito katumbas ng conviction. Patuloy na didinggin ng Sandiganbayan ang mga kaso laban sa senador. Santi Celario