Home METRO Utang nauwi sa patayan; Lola sinaksak natagpuang sunog sa Laguna

Utang nauwi sa patayan; Lola sinaksak natagpuang sunog sa Laguna

1
0

PAGSANJAN, Laguna — Patay ang isang 67-anyos na babae matapos umanong saksakin sa leeg sa loob ng kanyang sari-sari store sa Barangay Magdapio, Pagsanjan, Laguna, bago masunog ang establisimyento noong Biyernes ng madaling araw.

Kinilala ang biktima na si Divina Minaya, na natagpuang sunog ang katawan sa kanyang kama matapos maapula ng mga residente ang apoy.

Unang inakalang nasawi si Minaya dahil sa sunog, ngunit lumabas sa autopsy na saksak sa leeg ang sanhi ng kanyang kamatayan, ayon kay Pagsanjan police chief Maj. Gerald Balansi.

Sa pagsusuri ng CCTV, nakita umano ang biktima na kausap at tila nakikipagtalo sa isang 24-anyos na lalaking kamag-anak. May hawak umano si Minaya na notebook na pinaniniwalaang talaan ng mga utang, habang may dalang maliit na itak ang lalaki.

Hindi nakunan ng CCTV ang mismong pagpatay dahil pinutol umano ang kable ng mga camera. Gayunman, nakita sa barangay CCTV ang lalaki na umaalis sa lugar bago sumiklab ang apoy.

Kalaunan ay sumuko sa mga awtoridad ang lalaki at umamin umano sa pananaksak. Sinabi niyang lasing siya at nagtungo sa tindahan upang alamin ang kanyang utang na mahigit P3,000.

Narekober din ng pulisya ang itak na sinasabing ginamit sa krimen matapos ituro ng lalaki kung saan niya ito itinago.

Itinanggi naman niya na sinadya niyang sunugin ang tindahan upang pagtakpan ang insidente.

Ayon sa pulisya, ihahain laban sa suspek ang kasong murder, habang pinag-aaralan pa ang posibleng hiwalay na kasong arson.

Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang buong pangyayari at kung ano ang pinagmulan ng sunog.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here