Home NATIONWIDE Remulla: Pag-aresto kay Bato posibleng mauwi sa madugong engkuwentro, mas malala sa...

Remulla: Pag-aresto kay Bato posibleng mauwi sa madugong engkuwentro, mas malala sa Marawi

6
0

MANILA, Philippines — Nagbabala si Interior Secretary Jonvic Remulla na maaaring mauwi sa madugong engkuwentro ang sapilitang pag-aresto kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay ng warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC).

Ayon kay Remulla, pinaniniwalaan nilang nagtatago si Dela Rosa sa Mindanao at pinoprotektahan umano ng isang makapangyarihang grupo na may mga armadong tauhan. Hindi niya pinangalanan ang grupo o naglahad ng ebidensiya para sa naturang pahayag.

“He’s hidden in deep,” ani Remulla. Dagdag niya, nakikipagnegosasyon ang mga awtoridad para sa mapayapang pagsuko ng senador dahil maaaring magkaroon ng maraming casualty kung magsasagawa ng forceful operation.

Sinabi pa ni Remulla na posibleng maging “worse than Marawi” ang bilang ng casualty sa isang komprontasyon at iginiit na ayaw ng gobyerno na magkaroon ng malawakang karahasan dahil sa pag-aresto sa isang tao.

Noong Mayo 11, inilabas sa publiko ng ICC ang warrant laban kay Dela Rosa na unang inisyu nang kumpidensiyal noong Nobyembre 2025. Sinabi ng ICC na may “reasonable grounds to believe” na may pananagutan umano siya sa crime against humanity of murder kaugnay ng anti-drug campaign. Ang mga alegasyon ay hindi pa napapatunayan sa paglilitis.

Ibinasura naman ng Supreme Court noong Mayo 20 ang kahilingan ni Dela Rosa para sa temporary restraining order laban sa kanyang posibleng pag-aresto. Nilinaw ng Korte na interim relief lamang ang pinagdesisyunan nito at hindi pa ang pangunahing legal issues sa kanyang petisyon.

Inamin din ni Remulla na dapat sana ay naaresto si Dela Rosa nang lumitaw ito sa Senado noong Mayo at sinabing hindi na siya aasa sa anumang informal o “gentlemen’s agreement” na maaaring makahadlang sa pagpapatupad ng warrant. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here