Home METRO Libreng gamot, serbisyong medikal pinaigting ni Yorme Isko sa Maynila

Libreng gamot, serbisyong medikal pinaigting ni Yorme Isko sa Maynila

1
0

MANILA, Philippines – Layon ng lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila sa pamumuno ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na hindi na kakailanganin pa ng mga Manilenyo na gumastos ng malaking halaga para makakuha ng serbisyong medikal kaya’t patuloy ang pagsasaayos ng mga health center sa lungsod upang mas marami ang makinabang sa maayos at abot-kayang pangangalagang pangkalusugan.

Pinangunahan ni Yorme nitong Martes, Oktubre 20, ang groundbreaking ceremony para sa pagsasaayos ng Jose Vivencio Health Center sa Santa Ana, Manila, na bahagi ng programa ng kaniyang administrasyon na gawing mas moderno, maaliwalas at episyente ang mga pasilidad na unang nilalapitan ng mga residente kapag may karamdaman.

Aabot sa 17 bahagi ng health center ang saklaw ng rehabilitasyon, kabilang ang mga silid para sa konsultasyon at pagsusuri, dental room, botika, minor surgery room, TB-DOTS room, sputum collection area at microscopy room.

Kasama rin sa mga aayusin ang silid ng mga nurse at midwife, conference room at pasilidad para sa pagtatago ng medical waste, bukod sa iba pang mahahalagang lugar na ginagamit sa pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan.

Ayon kay Domagoso, bahagi ito ng kaniyang Minimum Basic Needs (MBN) framework na nakatuon sa mga pangunahing pangangailangan ng mga Manilenyo, kabilang ang kalusugan, pabahay, edukasyon at trabaho.

Nangako ang alkalde na ipagpapatuloy ang pag-upgrade sa mga health center sa buong Maynila hangga’t may panahon at kakayahan ang kaniyang administrasyon na isakatuparan ang mga pagbabago.

Hindi lamang mga gusali ang nais pagandahin ni Yorme kundi pati ang kalidad ng serbisyong matatanggap ng mga pasyente, lalo na ng mga pamilyang walang kakayahang gumastos nang malaki para sa pagpapagamot.

Binigyang-diin din ng alkalde ang libreng angiogram at angioplasty sa Catheterization Laboratory ng Ospital ng Maynila. Mula nang muling magbukas ang pasilidad, nakapagsilbi na ito sa 169 pasyente para sa angiogram at nakapagsagawa ng pitong angioplasty procedure.

Sa pribadong ospital, maaaring umabot sa ₱300,000 hanggang ₱1.5 milyon ang gastos sa mga naturang procedure. Sa Ospital ng Maynila, ayon kay Domagoso, walang babayaran ang pasyente para sa serbisyong ito.

“Wala akong pakialam gumastos ng milyon-milyon sa isang tao, mabuhay lang kayo,” diin ng alkalde, bilang pagpapakita ng kaniyang paninindigang unahin ang buhay at kapakanan ng mga residente.

Samantala, naglaan din ang pamahalaang lungsod ng ₱324,049,337 para sa pagbili ng mga kagamitang medikal na magpapalakas sa kakayahan ng pitong district hospital ng Maynila at ng Manila Health Department.

Patuloy rin ang pagtatayo, muling pagtatayo at pagsasaayos ng sampung iba pang health center sa lungsod, kabilang ang Tondo Foreshore Super Health Center.

Kasabay nito, hinimok ni Domagoso ang mga health worker na pairalin ang malasakit sa bawat pasyenteng kanilang pinaglilingkuran. Aniya, maging ang simpleng ngiti at maayos na pakikitungo ay maaaring makatulong sa pagpapagaan ng pinagdaraanan ng isang may sakit.

Sa pagpapatuloy ng mga proyektong ito, layunin ng administrasyong Domagoso na mailapit ang serbisyong medikal sa mga komunidad at mabawasan ang pasaning pinansiyal ng mga pamilyang nangangailangan ng pangangalaga.

Para kay Yorme, hindi dapat maging hadlang ang kakulangan sa pera upang makalapit ang mga Manilenyo sa serbisyong pangkalusugan na kailangan nila. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here