Home NATIONWIDE Prosecutor: Pangambang ‘makalimot’ publiko, isang dahilan sa binawing 3 impeachment articles

Prosecutor: Pangambang ‘makalimot’ publiko, isang dahilan sa binawing 3 impeachment articles

1
0

MANILA, Philippines — Inamin ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua na kabilang sa mga dahilan ng prosecution sa pag-atras sa tatlo sa apat na impeachment articles laban kay Vice President Sara Duterte ang pangambang humaba ang paglilitis at malimutan ng publiko ang mga ebidensyang kanilang iniharap.

Ayon kay Chua, posibleng umabot pa sa susunod na taon ang proceedings depende sa magiging presentasyon ng defense.

“By that time, hindi na maaalala rin ng mga kababayan natin yung mga ipresenta namin mga testigo at ebidensya,” ani Chua.

Noong Oktubre 13, iniurong ng prosecution ang Articles I, III at IV na may kaugnayan sa mga alegasyon sa confidential funds, bribery at grave threats, at piniling ituloy lamang ang Article II, na nakatuon sa umano’y unexplained wealth at hindi ganap na pagdedeklara ng assets at business interests ni Duterte.

Gayunman, sinabi ng defense na hindi nito babaguhin ang plano nitong magprisinta ng ebidensya kaugnay ng mga iniurong na articles, dahil nais nitong sagutin ang mga naunang akusasyon ng prosecution.

Hinimok din ni Chua ang senator-judges na isaalang-alang ang findings ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng umano’y discrepancies sa SALN ni Duterte. Ang NBI findings ay isinangguni na sa Office of the Ombudsman para sa evaluation at hindi pa katumbas ng pinal na finding ng pananagutan.

Nakatakdang magsimulang magprisinta ng sariling ebidensya at mga testigo ang defense sa Nobyembre 9, sa pagpapatuloy ng impeachment trial. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here