MANILA, Philippines — Naniniwala si Sen. Erwin Tulfo na layong mapatalsik siya sa Senado ng mga bumoto laban sa pagbasura sa petition na kumukuwestiyon sa kanyang pananatili sa puwesto.
“Eh to unseat po, maalis po tayo sa Senado,” ani Tulfo nang tanungin tungkol sa umano’y boto ng ilang miyembro ng Senate Electoral Tribunal (SET).
Gayunman, inamin ni Tulfo na wala siya sa pulong ng SET at wala rin siyang natanggap na opisyal na report hinggil sa naging botohan. Sinabi rin niyang confidential ang pagkakakilanlan ng mga bumoto.
Noong Oktubre 16, ibinasura ng SET sa botong 6-3 ang motion for reconsideration na may amended quo warranto petition na inihain ni Berteni Cataluña Causing laban kay Tulfo.
Ayon sa tribunal, huli nang naihain ang mosyon at hindi rin nito nasunod ang filing at service requirements sa ilalim ng 2020 SET Rules. Nanatili rin umanong insufficient in form ang amended petition.
Kabilang sa mga alegasyong inihain laban kay Tulfo ang umano’y American citizenship, disloyalty sa Pilipinas, paglabag sa constitutional prohibition laban sa political dynasties at kakulangan umano sa academic qualifications.
Iginiit naman ni Tulfo na natalakay na noon ang ilang isyung ibinabato laban sa kanya, kabilang ang citizenship issue.
Nilinaw ng SET na ang pagbasura sa mosyon ay without prejudice sa paghahain ng ibang petition, kaya hindi nito tuluyang hinaharangan ang anumang bagong legal challenge na maaaring ihain alinsunod sa mga patakaran ng tribunal. RNT