ILOCOS SUR, Philippines – Patuloy na ipinatutupad ngayon ng Integrated Bar of the Philippines (IBP)–Ilocos Sur Chapter ang paghahatid ng Balik-Eskuwela Legal Assistance Program sa mga paaralan sa Candon City.
Bahagi ng programa ang pagpunta ng mga abogadong miyembro ng IBP sa iba’t ibang eskuwelahan upang maghatid ng kaalaman tungkol sa bullying sa pakikipagtulungan ng Schools Division of Candon City sa ilalim ng School Governance and Operations Division–Learner Formation Division (SGOD-LFD).
Layunin ng programa na mahikayat ang mga mag-aaral na iwasan ang bullying at pairalin ang paggalang, pagmamahalan, at kapayapaan sa paaralan upang makabuo ng ligtas at inklusibong kapaligiran para sa lahat.
Isa sa mga eskuwelahan na pinuntahan ng IBP nitong Oktubre 20 ay ang Bagar Elementary School.
Pinangunahan nina Atty. Dean Jay B. Balcanao at Atty. Alyana Dayan Manzano ng Manzano & Balcanao Law Office ang pagpapaliwanag tungkol sa bullying, mga legal na pananagutan ng mga nambu-bully, at mga karapatan at responsibilidad ng mga mag-aaral.
Isinagawa ang aktibidad mula alas-4:00 hanggang alas-5:00 ng hapon.
Bukod sa pagbibigay ng kaalaman, nag-aalok din ang IBP–Ilocos Sur Chapter ng libreng konsultasyong legal at pagpapanotaryo ng mga simpleng dokumento para sa mga mag-aaral, guro, kawani ng paaralan, at mga magulang sa mga pampublikong paaralan sa nasabing dibisyon.
Boluntaryong isinasagawa ng mga miyembro ng IBP–Ilocos Sur Chapter ang naturang programa bilang bahagi ng kanilang paglilingkod sa komunidad. Rolando S. Gamoso