MANILA, Philippines – Ipinunto ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang kahalagahan ng paggalang sa dignidad ng mga persons deprived of liberty (PDL) at pagbibigay sa kanila ng pagkakataong magbago at makapagsimula muli.
Ito ang naging mensahe ng cardinal sa kanyang pagninilay sa Misa para sa paglulunsad ng ika-39 na Prison Awareness Week na pinangunahan niya sa Good Shepherd Chapel ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa Intramuros, Manila.
Ayon kay Cardinal Advincula, bagama’t kailangang panagutin ang mga nagkasala, hindi dapat mawalan ng dignidad ang isang tao dahil lamang sa kanyang pagkakamali. Aniya, hindi dapat ikulong ang pagkatao ng isang indibidwal sa pinakamasamang nagawa niya.
“Hindi nangangahulugang kinukunsinti ang pagkakasala ang pagkilala sa dignidad ng nagkasala, kundi ang pagkilala na may pagkakataon pa siyang magbago sa tulong ng awa ng Diyos,” aniya.
“A person is more than the worst he or she has done. We must uphold justice and accountability, but we must also remember that a person is more than the worst he or she has done. We do not excuse wrongdoing, but neither do we allow wrongdoing to erase human dignity. The message of the Gospel is simple: ‘You have made a mistake, but you are not a mistake.’ God’s mercy allows us to see beyond the offense and recognize the person,” dagdag ng cardinal.
Hinimok din ni Advincula ang Simbahan na samahan ang mga PDL sa kanilang pagbabago at rehabilitasyon sa pamamagitan ng paggabay, pakikinig at pagbibigay ng pag-asa upang maihanda silang muling makibahagi sa lipunan.
Nanawagan din si Cardinal Advincula sa publiko na iwasang husgahan ang isang tao batay lamang sa kanyang nakaraan.
Iniuugnay ng cardinal ang mensaheng ito sa ensiklikal na _Fratelli Tutti_ ni Pope Francis na nagbibigay-diin sa pagkakapatiran, pagkakaisa at paggalang sa dignidad ng bawat tao, lalo na ng mga nasa laylayan.
Aniya, hindi lamang dapat nakatuon sa pagkakapiit ang sistema ng pagwawasto, kundi dapat magbigay rin ng pagkakataon sa mga PDL na kilalanin ang kanilang pagkakamali, akuin ang pananagutan, ayusin ang maaari pang maituwid at maghanda para sa mas mabuting kinabukasan.
Maaaring magsimula ang pagbabago sa maliliit na hakbang gaya ng taos-pusong pag-uusap, pananalangin, pagsisisi, muling pakikipag-ugnayan sa pamilya at pagbabalik ng pag-asa.
Ngayong taon, may temang “Healing and Transformation in the Correctional Community: Witnessed to by a Synodal Church Touched by God and His Love” ang ika-39 na Prison Awareness Week na layong palawakin ang kamalayan ng publiko sa kalagayan ng mga PDL at itaguyod ang kanilang paggaling at rehabilitasyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden