Home NATIONWIDE Pagtatayo ng sobrang silid-aralan kaysa sa lugar na mas kailangan, pinuna ng...

Pagtatayo ng sobrang silid-aralan kaysa sa lugar na mas kailangan, pinuna ng EDCOM2

3
0

MANILA, Philippines – Matinding pinuna ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) ang Department of Education (DepEd) sa maling alokasyon sa pagtatayo ng silid-aralan sa lugar na mas kailangan kumpara sa ilang bayan na sobra o higit sa pangangailangan.

Sa ginanap na budget briefing ng DepEd nitong Lunes, nanawagan ang EDCOM 2 sa ahensiya na itayo ang mga silid-aralan kung saan higit na pinakakailangan matapos matuklasan na hindi tugma ang alokasyon sa aktwal na kakulangan sa mga bayan.

Sa pagsusuri ng EDCOM 2 sa planadong alokasyon ng DepEd para sa FY 2026, lumabas na 45.2% lamang sa 332 local government units na may pinakamalaking kakulangan sa classroom ang kabilang din sa mga nakatanggap ng pinakamaraming silid-aralan.

Ibig sabihin, maraming lugar na matindi ang siksikan ang hindi nabigyan ng sapat, habang ang iba naman ay sobra-sobra pa sa tinatayang kakulangan.

Inilatag ang isyu sa Senate Committee on Finance briefing sa panukalang FY 2027 budget ng DepEd noong Oktubre 16, 2026 kung saan nanawagan si EDCOM 2 Co-Chairperson Sen. Bam Aquino sa DepEd at Department of Public Works and Highways na bilisan ang konstruksyon at tiyaking natatapos ang mga inilaang proyekto.

Ngayong taon, naglunsad ang DepEd ng iba’t ibang paraan para mapabilis ang pagpapatayo ng silid-aralan alinsunod sa special provision sa General Appropriations Act ng 2026.

Kabilang dito ang DPWH-led construction, pakikipagtulungan ng DepEd sa mga provincial at city government, pakikipagtulungan sa civil society organizations, at Public-Private Partnership Programs.

Sa kabuuan, target ng DepEd na makapagpatayo ng 18,950 na silid-aralan.

Pinuri ni EDCOM 2 Executive Director Dr. Karol Mark R. Yee ang hakbang ng DepEd sa pagbubukas ng iba’t ibang ruta para sa konstruksyon ngunit iginiit na kailangang maging estratehiko ang alokasyon para mapunta ang pondo kung saan higit na kailangan.

Higit sa pangangailangan, natukoy

Sa pagsusuri ng komisyon, pito sa sampung munisipalidad na may pinakamalaking pondo para sa FY 2026 classroom construction ang nakatanggap ng higit pa sa kanilang tinatayang kakulangan batay sa datos noong 2023.

Halimbawa, ang Maragondon, Cavite ay binigyan ng 272 silid-aralan kahit 64 lamang ang kulang. Kabaligtaran naman sa Tanza, Cavite na 448 lamang ang inilaan sa kabila ng 869 na kakulangan, at sa Naic, Cavite na 356 ang inilaan kontra sa 631 na kulang.

Lumabas din na may agwat ayon sa income class ng mga munisipalidad. 55% lamang ng fifth-class municipalities ang nabigyan ng alokasyon sa FY 2026 kumpara sa 91% ng first-class municipalities. Sa 66 na fifth-class municipalities, 30 ang walang natanggap kahit may pinagsamang kakulangan na 356 silid-aralan.

Anim sa mga ito ay nasa BARMM — ang Hadji Muhammad sa Basilan, Lumbaca-Unayan at Sultan Dumalondong sa Lanao del Sur, at Turtle Islands sa Tawi-Tawi na may kabuuang 163 na kulang, gayundin ang Old Kaabakan at Pahamuddin sa Special Geographic Area na wala ring alokasyon para sa 2026.

Ayon sa naunang pagtaya ng EDCOM 2, kailangan ng 68,147 na karagdagang silid-aralan para maibsan ang siksikan sa 4,492 na paaralang may mahigit 50 mag-aaral kada classroom.

Kailangan din ng 52,871 pa para matigil ang double at triple shifting sa 1,889 na paaralan, at 6,808 pa para sa 2,677 na paaralang umaasa sa makeshift classrooms batay sa datos ng SY 2024-2025 at SY 2023-2024.

Mabagal na konstruksiyon

Bukod sa distribusyon, nababahala rin ang komisyon sa bagal ng konstruksyon lalo na sa mga proyektong hawak ng DPWH. Sa Php21.45 bilyon na inilaan para sa 6,000 silid-aralan sa ilalim ng FY 2026 program, Php1.87 bilyon lamang o katumbas ng 533 silid-aralan ang umabot sa award o malapit nang ma-award noong pagdinig.

Isa pang Php7 bilyon o humigit-kumulang 2,000 silid-aralan pa lang ang na-advertise para sa procurement.

Paliwanag ni DPWH Undersecretary Engr. Lara Esquibil, nakaapekto ang paulit-ulit na failed biddings at pagtaas ng construction cost dahil sa pagmahal ng gasolina.

Dahil dito, kinuwestiyon ni Sen. Aquino kung maaaring ilipat ang pondong hindi pa naililipat sa DPWH sa mga mode na mas mabilis ang usad, alinsunod sa umiiral na budget at legal requirements.

Ani Aquino, nasa dulo na ng taon at kailangang tingnan kung aling kabayo ang pinakamabilis at efficient — PPP ba, DPWH-led ba, o DepEd at LGU-led. Aniya, doon dapat ilagay ang pondo sa kabayong tumatakbo at hindi sa hindi gumagalaw.

Hiniling din ni Aquino sa DepEd na ilabas ang buong listahan ng 2026 classroom sites para masubaybayan ng mga komunidad ang konstruksyon sa kanilang lugar. Sinabi niyang bumubuo ang EDCOM 2 ng classroom tracker para maging transparent sa publiko kung saan napunta ang Php68 bilyon na pondo, hindi lang para sa mga alkalde kundi para sa mga magulang at estudyante na rin.

Para sa FY 2027, Php30.55 bilyon ang panukala sa National Expenditure Program para sa classroom construction, na may karagdagang hiling na Php23.5 bilyon mula sa DepEd para sa 2,385 bagong silid-aralan, 69 Last Mile School buildings, 500 Learning Continuity Spaces, at pagkukumpuni ng 3,500 silid-aralan, bukod sa iba pa.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here