Home METRO E-trike driver, binaril sa mukha ng riding-in-tandem, patay

E-trike driver, binaril sa mukha ng riding-in-tandem, patay

1
0

MANILA, Philippines – Patay ang isang e-trike driver matapos barilin sa mukha ng hindi pa kilalang riding-in tendem sa Malabon City, napaulat kahapon.

Agad binawian ng buhay sanhi ng isang tama ng bala sa mukha ang biktimang si Christian Lorenzo, 34, residente ng Sitio 6, Brgy. Catmon.

Sa ulat ni Malabon police chief P/Col. Kenneth Mission kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, naganap ang insidente dakong alas-8:00 ng gabi sa kanto ng M.H. Del Pilar St. at Basilio St. Brgy. Tugatog.

Lumabas sa imbestigasyon na habang namamasada ang biktima para umano sa pambili ng gatas ng bagong panganak niyang live-in partner nang barilin sa mukha ng mga suspek bago mabilis na tumakas patungo sa Brgy. Acacia.

Sa ginawa namang beripikasyon ng mga imbestigador, napagalaman na nakulong na ang biktima dahil sa paglabag sa pag-iingat ng pampasabog noong Pebrero 19, 2024.

Inaalam pa ang pulisya sa motibo ng pagpaslang, habang ayon sa ginawang pahayag ng ina ng biktima na si Aling Marife, wala silang alam na kaaway ang anak na nagsisikap aniyang buhayin ang pamilya sa pamamasada.

Patuloy ang isinagawang follow-up imbestigasyon ng pulisya para sa posibleng pagkakakilanlan sa mga suspek at sa agarang pagdakip sa mga ito. (Merly Duero)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here