Home NATIONWIDE 2027 budget ng DND, DENR, aprubado sa komite

2027 budget ng DND, DENR, aprubado sa komite

3
0

MANILA, Philippines – Inaprubahan na sa komite ng Senado ang panukalang budget para sa 2027 ng Department of National Defense at ng Department of Environment and Natural Resources para isalang na sa plenaryo.

Sa magkahiwalay na pagdinig nitong Lunes, Oktubre 19, 2026, inaprubahan ng Senate Committee on Finance Subcommittee A ang budget ng DND at attached agencies nito kabilang ang pondo para sa Revised Armed Forces of the Philippines Modernization Program.

Idineklara ni Finance panel head Sen. JV Ejercito na deemed submitted na para sa konsiderasyon ng plenaryo ang budget ng DND, na maaari pa ring pag-usapan at amyendahan.

Sa pagdinig, binusisi ng mga senador ang paggamit ng modernization funds, ang pagtaas ng presyo ng mga kagamitan at ang pangangailangan ng tuloy-tuloy na pamumuhunan para sa kakayahan ng militar.

Inihayag ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na may limitasyon sa pondo at may presyur ng inflation, habang iginiit naman ni Senate President Win Gatchalian ang kahalagahan ng pagpapalakas ng cyberwarfare capabilities at disaster-response capacity ng AFP.

Samantala, inaprubahan din ng Senate Finance Subcommittee E ang panukalang 2027 budget ng DENR at mga attached agencies at korporasyon nito.

Pormal na inendorso ni Sen. Risa Hontiveros sa plenaryo ang budget ng DENR at nanawagan na bigyang prayoridad ang paghahanda sa El Niño at emergency response, kabilang ang pondo para sa maliliit na water impounding system at alternatibong pagkukunan ng maiinom na tubig.

Nanawagan din sina Sen. Pia Cayetano at Minority Leader Alan Peter Cayetano na palakasin ang environmental education sa mga paaralan sa pamamagitan ng mas mahigpit na koordinasyon ng DENR, Department of Education at Commission on Higher Education, para maiangkop ang mga aralin sa lokal na isyung pangkalikasan at maitanim sa kabataan ang kamalayang ekolohikal.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here