LAGUNA, Philippines – Rumesponde ang San Pablo Component City Police Station matapos makatanggap ng ulat tungkol sa pananaksak umano ng isang menor de edad na estudyante sa kapwa nito mag-aaral sa loob ng isang paaralan kahapon sa San Pablo City.
Batay sa ulat, 12 taong gulang ang estudyanteng hinihinalang sangkot sa insidente. Nasa maayos na kondisyon naman ang biktima, na kasalukuyang naka-confine sa ospital.
Kapwa nasa pangangalaga na ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ang mga menor de edad na sangkot habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Patuloy na inaalam ng pulisya ang buong pangyayari at posibleng motibo. Sa ngayon, hindi pa kumpirmado kung may kaugnayan ang insidente sa umano’y bullying.
Nanawagan ang Laguna Police Provincial Office sa publiko na huwag magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon at igalang ang privacy at kapakanan ng mga menor de edad na sangkot. ELLEN APOSTOL