PASAY CITY, Philippines – Dumating sa National Bureau of Investigation (NBI) nitong Martes, Oktubre 20, 2026, si Daniel Lawrence Vivar, isa sa limang host at producer ng podcast na “Machong Chismisan,” upang humarap sa imbestigasyon kaugnay ng mapanlait na pahayag laban kay Josh Aquino, anak ni Kris Aquino na nasa autism spectrum.
Nag-ugat ang kontrobersiya sa tinanggal nang episode na “Ang Pagbabalik ni Kris Aquino,” kung saan tinawag na “walang kuwenta” si Josh at kinumpara sa kapatid nitong si Bimby. Dahil dito, nagsampa ng reklamo ang 1PWD Party-list laban sa mga host at producer ng programa dahil sa posibleng paglabag sa Magna Carta for Persons with Disability at Cybercrime Prevention Act of 2012.
Bagama’t humingi na ng paumanhin ang mga host, sinabi ng NBI na maaari pa rin silang managot sa batas. Tinapos na rin ng The Pod Network ang kontrata nito sa podcast. RNT/MDS