Home METRO Panlalait ng ‘Machong Chismisan’ kay Josh Aquino, kinondena ng Manila City Council

Panlalait ng ‘Machong Chismisan’ kay Josh Aquino, kinondena ng Manila City Council

4
0

MANILA, Philippines — Mariing kinondena ng 13th City Council ng Maynila ang umano’y mapanlait at insensitive na mga pahayag sa podcast na Machong Chismisan laban kay Joshua Aquino, isang indibidwal na nasa autism spectrum.

Sa sesyon ng konseho, iginiit ng mga opisyal ng lungsod na hindi dapat gawing katatawanan ang kapansanan ng isang tao, lalo na kung ginagamit lamang ito upang makakuha ng atensyon at madagdagan ang followers sa social media.

Personal na nakilahok si Manila Vice Mayor Chi Atienza sa pagsusulong ng resolusyon laban sa naturang podcast. Pansamantala siyang bumaba sa puwesto bilang presiding officer upang maging co-author ng panukala.

“Hindi po tayo papayag na mabastos ang kahit na sinong Person with Disability dito sa ating lungsod,” diin ni Atienza, kasabay ng pangakong patuloy na ipagtatanggol ng pamahalaang lungsod ang karapatan at dignidad ng mga persons with disabilities (PWDs).

Bilang dating television producer, nanawagan si Atienza sa pambansang pamahalaan na magpatupad ng mas mahigpit na alituntunin para sa mga podcast at iba pang digital content.

Ayon sa bise alkalde, hindi sapat na ang mga host lamang ang panagutin sa mga mapanlait na pahayag. Dapat ding suriin ang responsibilidad ng mga taong nasa likod ng produksyon at nagbigay-daan upang mailathala o maipalabas ang naturang nilalaman.

Giit niya, dumaraan sa proseso ang isang programa bago ito mailabas sa publiko, kaya dapat ding managot ang mga sangkot kung walang kumilos upang pigilan ang diskriminasyon.

Samantala, binigyang-diin ni Konsehal Atty. Jaybee Hizon, isa sa mga pangunahing may-akda ng resolusyon, na hindi dapat ituring na simpleng usaping showbiz lamang ang insidente.

Babala ni Hizon, kapag hindi kinondena ng konseho ang ganitong mga pahayag, maaaring isipin ng publiko na katanggap-tanggap lamang na gawing biro ang mga taong may autism.

“Wala pong lugar sa modernong pamayanan ang ganitong mga remark,” ani Hizon, na iginiit na hindi sukatan ng pagiging macho ang pang-iinsulto sa ibang tao.

Kasama rin sa mga pangunahing may-akda ng resolusyon sina Konsehal Don Juan “DJ” Bagatsing, Majority Floor Leader Raymundo “Mon” Yupangco at si Atienza.

Ipinanukala naman ni Konsehal Erick Ian Nieva ang pagdedeklara sa mga sangkot na host bilang “persona non grata” sa Maynila, bilang bahagi ng panawagan para sa mas seryosong pananagutan.

Nagbahagi rin si Konsehal Edward Tan ng sariling karanasan sa pangungutya noong bata pa siya dahil sa kanyang kapansanan sa pagsasalita. Aniya, dapat kilalanin ng publiko na ang bawat tao, anuman ang kapansanan, ay may damdamin at karapatang igalang.

Samantala, kinondena ni Konsehal Arlene Maile Atienza, na may dalawang kapatid na nasa autism spectrum, ang paggamit sa mga taong may kapansanan bilang materyal para sa online content.

Ayon naman kay Konsehal Eunice Ann Denice Castro, hindi dapat kumita o sumikat ang mga content creator sa pamamagitan ng pangungutya, lalo na’t maraming magulang ang nagsisikap na maalagaan at masuportahan ang kanilang mga anak na may autism spectrum disorder (ASD).

Binigyang-diin din ni Konsehal Benny Fog Abante III na hindi dapat gamitin ang paghihirap ng ibang tao para lamang makakuha ng “clout” o atensyon sa internet.

Sa huli, nagpahayag ng pakikiisa ang buong konseho, kasama ang pamahalaang lungsod sa pangunguna ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, sa Autism Society of the Philippines.

Nanawagan din ang lungsod sa mga media practitioner at digital content creator na maging responsable sa kanilang mga inilalathala, at igalang ang dignidad ng bawat isa, partikular ang mga sektor na bulnerable sa diskriminasyon.

Ayon sa konseho, ang tunay na impluwensiya ay hindi nasusukat sa dami ng views at followers, kundi sa kakayahang magtaguyod ng paggalang, malasakit at pagiging inklusibo sa lipunan. Jay Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here