MANILA, Philippines — Rerepasuhin ng Philippine National Police (PNP) ang mga patakaran sa pagtatalaga ng police security details upang matiyak na hindi ginagamit ang mga pulis bilang personal na utusan ng mga politikong, negosyante at iba pang high-profile personalities na kanilang binabantayan.
Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., kabilang sa review ang regular na monitoring sa mga pulis na nakatalaga bilang security personnel upang matiyak na tanging mga tungkuling saklaw ng kanilang mandato ang kanilang ginagawa.
“Our officers are trained protectors of human life and public safety, not personal errand boys or logistics aides for private errands,” ani Nartatez.
Binigyang-diin niya na hindi dapat gamitin ang mga pulis sa mga personal na gawain na walang kinalaman sa pagbibigay ng seguridad.
“I remind all personnel that your loyalty belongs to the Constitution, the people, and the PNP,” dagdag niya.
Isasagawa ang review sa gitna ng mga ulat na may ilang police security details umanong inaatasang gumawa ng mga gawaing labas sa kanilang opisyal na tungkulin. Nabanggit din ang mga kamakailang testimonya sa korte tungkol sa umano’y “special tasking” ng ilang pulis.
Inatasan ni Nartatez ang mga police security detail na manatili sa saklaw ng kanilang opisyal na trabaho at pairalin ang propesyonalismo at integridad.
Aniya, ang kanilang mga kilos ay dapat nakabatay sa batas at sinumpaang tungkulin, at hindi sa personal na kahilingan ng mga taong kanilang pinoprotektahan. Santi Celario