Home NATIONWIDE Bagong patakaran sa proteksyon sa manggagawa vs matinding init, ilalabas ng DOLE

Bagong patakaran sa proteksyon sa manggagawa vs matinding init, ilalabas ng DOLE

2
0

MANILA, Philippines — Maglalabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng mga bagong patakaran upang maprotektahan ang mga manggagawa, partikular ang mga matagal na nagtatrabaho sa labas, laban sa matinding init dulot ng El Niño.

Ayon kay Labor Secretary Francis Tolentino, kabilang sa pinag-aaralang hakbang ang flexible working hours, staggered shifts, heat warning system at pansamantalang paghinto ng trabaho kapag delikado na ang heat index.

Sinabi ni Tolentino na kapag umabot sa 40°C ang heat index, maaaring hindi piliting magtrabaho ang mga empleyadong direktang nakabilad sa araw.

Kabilang sa planong advisory ang posibleng pagpapatigil muna sa outdoor work mula alas-12 ng tanghali hanggang alas-3 ng hapon, lalo na kapag umabot sa 40°C ang heat index.

“Staggered shifts, ‘yung flexible working hours na ‘wag pilitin naman,” ani Tolentino, na binanggit ang mga telco linemen at construction workers na nagtatrabaho sa labas bilang halimbawa ng mga maaaring direktang maapektuhan.

Sinabi rin ng kalihim na kung magkasakit o himatayin ang isang manggagawa dahil sa matinding init habang nagtatrabaho, maaari itong ituring na work-related at maaaring saklawin ng Employees’ Compensation Commission, depende sa umiiral na mga patakaran at kwalipikasyon.

Nais din ng DOLE na magkaroon ng heat warning notifications na maaaring ipadala sa publiko kapag tumataas na sa mapanganib na antas ang heat index.

Target ipatupad ang mga hakbang mula Nobyembre 2026 hanggang Marso 2027, ngunit nilinaw ng DOLE na pino-finalize pa ang guidelines at daraan pa sa konsultasyon sa labor at industry sectors bago ilabas sa susunod na linggo.

Iginiit din ng ahensya na hindi dapat parusahan ang mga manggagawang kailangang tumigil pansamantala sa trabaho dahil sa mapanganib na init.

Samantala, nanawagan ang Trade Union Congress of the Philippines na gawing mandatory sa mga kumpanya ang pagkakaroon ng Heat Risk Action Plan, habang nagbabala naman ang Employers Confederation of the Philippines laban sa isang “one-size-fits-all” policy na maaaring makaapekto sa productivity. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here