MANILA, Philippines — Namataan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang Chinese warship at isang research vessel sa magkahiwalay na bahagi ng Bajo de Masinloc sa isinagawang maritime domain awareness flight nitong Martes.
Namataan ng PCG at Philippine Air Force ang Chinese warship, na nag-radio challenge pa sa nagpapatrulyang Philippine aircraft.
Sa labas naman ng Bajo de Masinloc, nakita ang isang Chinese research vessel na walang kasamang Chinese Coast Guard ship.
Isang yellow buoy din ang namataan sa loob ng lagoon, habang nakita sa labas ng atoll ang mas malaking buoy na tila may antenna. Ito rin umano ang buoy na nakita ng PCG sa lugar isang taon na ang nakalipas.
Nakatanggap din ang PCG ng mga ulat na may itinatayong istruktura umano ang China sa Bajo de Masinloc. Gayunman, walang nakitang naturang istruktura sa isinagawang flight kahit bumaba sa humigit-kumulang 200 talampakan ang aircraft.
Hindi rin hinarang o inintercept ng Chinese Coast Guard o People’s Liberation Army Navy ang Philippine aircraft sa naturang operasyon.
Samantala, sinabi ni bagong PCG Commandant Vice Admiral Rommel Supangan na ipagpapatuloy ng Coast Guard ang pagbabantay sa karagatan ng bansa kasabay ng modernization program nito. Pormal siyang itinalaga bilang bagong PCG commandant noong Oktubre 19. Dave Baluyot