MANILA, Philippines — Naghahanda na ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) upang maprotektahan ang persons deprived of liberty (PDLs) laban sa matinding init at posibleng kakulangan sa tubig at pagkain dulot ng Super El Niño.
Ayon kay BJMP spokesperson J/Supt. Jayrex Bustinera, inatasan na ang kanilang regional offices at 489 jail facilities sa buong bansa na tiyakin ang maayos na bentilasyon, sapat na suplay ng tubig at regular na monitoring sa kalusugan ng mga PDL.
May 90 araw ang mga pasilidad upang sumunod sa mga inihahandang hakbang.
Para sa posibleng kakulangan sa tubig, sinabi ng BJMP na may nakahanda itong water storage tanks at nakikipag-ugnayan sa Bureau of Fire Protection at local water concessionaires para sa karagdagang suplay kung kinakailangan.
Pinaghahandaan din ng ahensya ang posibleng food shortage. Kabilang dito ang direktang pagkuha ng food supply mula sa mga magsasaka at pagsasanay sa mga jail facility sa wastong paghahanda at pag-iimbak ng pagkain.
Simula ngayong Oktubre, lilimitahan din ang outdoor activities ng mga PDL mula alas-10 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon upang mabawasan ang exposure sa matinding init. Iinspeksyunin din ang ventilation at exhaust systems sa mga cell block.
Bibigyan naman ng mas mahigpit na monitoring ang vulnerable PDLs gaya ng matatanda, buntis at may cardiovascular o respiratory illnesses. Ayon sa BJMP, may nakatalagang jail nurses sa mga pasilidad at may roving doctors na maaari ring makonsulta sa pamamagitan ng telemedicine.
Tiniyak ng BJMP na patuloy nitong paiigtingin ang mga hakbang upang mapangalagaan ang kalusugan at kapakanan ng mga PDL habang tumitindi ang epekto ng El Niño. Santi Celario