Home HOME BANNER STORY Verified PWDs, libre na sa PhilHealth premium

Verified PWDs, libre na sa PhilHealth premium

1
0

MANILA, Philippines — Hindi na kailangang magbayad ng sariling bahagi sa PhilHealth premium ang mga verified persons with disability (PWDs) sa ilalim ng bagong polisiya ng Philippine Health Insurance Corporation.

Sa ilalim ng PhilHealth Circular No. 2026-0017, awtomatikong sakop ng National Health Insurance Program ang mga PWD na kumpirmado sa PWD Registry. Para sa employed PWDs, paghahatian ng employer at national government ang premium kaya wala nang kaltas na employee share sa kanilang sahod.

Para naman sa self-employed, professional practitioners, overseas Filipino workers at iba pang direct contributors na walang employer, sagot ng national government ang buong premium kapag nakumpirma na ang kanilang PWD status.

Ang mga PWD na wala pa sa registry ay ita-tag muna bilang “For Verification.” Habang hindi pa kumpirmado ang kanilang status, mananatili sila sa kasalukuyang membership category at magpapatuloy sa karaniwang premium payments, bagama’t maaari pa rin nilang gamitin ang PhilHealth benefits.

Para sa employed PWDs, magsisimula ang premium subsidy sa buwan na maisumite nila o ng kanilang employer ang kumpletong requirements. Para naman sa non-employed PWDs, magsisimula ito sa taon kung kailan nakumpirma ang kanilang pangalan sa PWD Registry.

Sa ngayon, ginagamit ng PhilHealth ang Philippine Registry of Persons with Disability bilang batayan sa validation. Kapag fully operational na ang Unified PWD ID System (UPWDIS), ito na ang gagamiting pangunahing sistema para sa registration at verification.

Epektibo ang circular mula nang mailathala ito noong Oktubre 9, 2026. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here